1 Hindi nagtagal at namatay ang hari ng mga Ammonita. Ang pumalit dito ay ang anak niyang si Hanun.
2 Sinabi ni David, “Kakaibiganin ko si Hanun, ang anak ni Nahas, sapagkat kaibigan kong matalik ang kanyang ama.” Kaya't nagsugo siya ng mga kinatawan upang makiramay sa kanya.Ngunit nang dumating ang mga ito,
3 sinabi ng mga pinunong Ammonita kay Hanun, “Nakakatiyak ba kayo na talagang pinaparangalan ni David ang inyong ama sa kanyang pakikiramay sa inyo? Hindi kaya lihim na nagmamanman lamang ang mga sugong ito para masakop ang lunsod?”
4 Kaya't ipinahuli ni Hanun ang mga sugo ni David, inahit ang kalahati ng kanilang balbas, at ginupit ang kanilang kasuotan hanggang sa balakang, saka ipinagtabuyan.
5 Nang mabalitaan ni David ang ginawang paghamak na ito, ipinasalubong niya ang kanyang mga sugo sapagkat sila'y nahihiyang magbalik. Inutusan niyang doon na muna sila sa Jerico, hanggang hindi tumutubong muli ang kanilang balbas.
6 Nang malaman ng mga Ammonita na ito'y ikinagalit ni David, umupa sila ng 20,000 kawal mula sa Aram buhat sa Beth-rehob at Soba. Umupa rin sila ng 1,000 tauhan sa pangunguna ng hari ng Maaca, at 12,000 pang taga-Tob.
7 Nalaman ito ni David, kaya't pinalabas niya si Joab kasama ang lahat niyang mandirigma.
8 Dumating naman ang mga Ammonita at humanay sa pintuan ng lunsod. Samantala, sa labas ng kapatagan naman humanay ang mga kawal ng Aram, kasama ang mga tauhan nina Tob at Maaca.
9 Nang makita ni Joab ang mga kaaway sa kanilang harapan at likuran, itinapat niya sa mga kawal ng Aram ang pinakamahuhusay na kawal Israelita.
10 Ang iba niyang kawal ay ipinailalim niya sa pamumuno ni Abisai na kanyang kapatid, at iniharap naman sa mga Ammonita.
11 Sinabi ni Joab kay Abisai, “Kung hindi namin makakaya ang mga kawal ng Aram, tulungan ninyo kami. Kung hindi naman ninyo kaya ang mga Ammonita, kayo ang tutulungan namin.
12 Magpakatapang kayo! Lakasan ninyo ang loob sa paglaban alang-alang sa bayan at sa mga lunsod ng ating Diyos, at mangyari nawa ang kalooban ni Yahweh.”
13 Lumusob sina Joab at nang malapit na sila'y nagtakbuhan sa takot ang mga kawal ng Aram.
14 Pagkakita ng mga Ammonita sa nangyari, umatras na rin sila at pumasok sa lunsod dahil sa takot kay Abisai. Mula sa labanan, si Joab ay nagbalik sa Jerusalem.
15 Nang malaman ng mga taga-Siria na sila ay natalo ng mga Israelita, muli nilang tinipon ang kanilang hukbo.
16 Ipinatawag ni Hadadezer ang kanyang mga tauhan sa silangan ng Ilog Eufrates. Dumating sila sa Elam at ipinailalim sa pamumuno ni Sobac.
17 Umabot agad ito sa kaalaman ni David, kaya't tinipon niya ang buong hukbo ng Israel. Tumawid sila ng Ilog Jordan upang harapin ang mga kaaway sa Elam. Humanda naman ang mga kawal ng Aram, at sila'y naglaban.
18 Nalupig na naman sila at nagsitakas habang tinutugis ng mga Israelita. Ang napatay nina David ay 700 nakakarwahe at 40,000 kawal na nakakabayo. Pati si Sobac ay nasugatan nang malubha at namatay sa pook ng labanan.
19 Nang makita ng mga haring sakop ni Hadadezer na wala silang kalaban-laban sa Israel, sumuko na sila. Mula noon, hindi na tumulong kailanman ang mga taga-Siria sa mga Ammonita.