1 Nang sumapit ang tagsibol, panahon na karaniwang nakikipagdigma ang mga hari, pinalabas ni David ang buong hukbo ng Israel. Sa pangunguna ni Joab at ng iba pang mga pinuno, pinuksa nila ang mga Ammonita at kinubkob ang Rabba. Subalit si David ay nagpaiwan sa Jerusalem.
2 Isang hapon, pagkagising ni David, umakyat siya sa bubungan ng palasyo at naglakad-lakad. Mula roon, may natanaw siyang isang babaing naliligo. Napakaganda ng babae.
3 Ipinagtanong niya kung sino iyon. Sinabi sa kanya na iyo'y si Batsheba, anak ni Eliam at asawa ni Urias na isang Heteo.
4 Ipinakuha niya si Batsheba na noo'y katatapos pa lamang ng kanyang paglilinis ayon sa tuntunin para sa mga babaing nireregla. Sinipingan siya ni David, at pinauwi pagkatapos.
5 Dahil sa nangyaring ito, si Batsheba'y nabuntis, at ipinasabi niya ito kay David.
6 Inutusan agad ni David si Joab na papuntahin sa kanya si Urias na Heteo. Iyon nga ang ginawa ni Joab.
7 Nang dumating ito, tinanong siya ni David, “Kumusta si Joab at ang hukbo? Ano ang lagay ng labanan?”
8 Sinabi pa niya kay Urias, “Umuwi ka na at sipingan ang iyong asawa sapagkat nanggaling ka pa sa malayong paglalakbay.” Lumakad nga si Urias. Ang hari ay nagpadala pa ng regalo para sa tahanan nito.
9 Ngunit hindi pala ito nagtuloy sa kanila. Sa halip, doon siya natulog sa may tarangkahan ng palasyo, kasama ng mga bantay.
10 Nalaman ito ni David at sinabi niya kay Urias, “Hindi ba't kararating mo lang buhat sa isang mahabang paglalakbay? Bakit hindi ka umuwi?”
11 Sumagot siya, “Ang Kaban ng Tipan at ang mga kawal ng Israel at Juda ay nasa mga tolda lamang, at sa labas naman natutulog ang aking pinunong si Joab at ang inyong mga punong-kawal. Sa ganitong kalagayan, hindi po maaatim ng aking kaloobang ako'y umuwi upang magpakaligaya sa piling ng aking asawa. Sa harapan ng Diyos, hindi ko po magagawa iyon.”
12 Sinabi ni David kay Urias, “Dumito ka muna ng isa pang araw at bukas ka na umalis.” Kaya nanatili siya sa Jerusalem nang araw na iyon.
13 Kinabukasan, inanyayahan ni David sa pagkain si Urias at ito'y kanyang nilasing. Hindi rin ito umuwi nang gabing iyon, bagkus natulog na kasama rin ng mga bantay.
14 Kinabukasan, sumulat si David kay Joab at ipinadala kay Urias.
15 Ganito ang nilalaman: “Ilagay mo si Urias sa unahan kung saan mainit ang labanan. Pagkatapos, iwan mo siya roon at bayaan mo siyang mapatay.”
16 Habang pinapaligiran nina Joab ang lunsod, inilagay niya si Urias sa gawing malalakas ang kaaway.
17 Lumabas ang mga kaaway mula sa lunsod, at sinalakay ang mga kawal ni Joab. Napatay ang ilang pinuno ni David, kasama si Urias.
18 Ipinadala ni Joab kay David ang ulat tungkol sa labanan.
19 Ngunit ito ang ipinagbilin niya, “Matapos mong ibalita sa hari ang tungkol sa labanan,
20 maaaring siya'y magalit at itanong, ‘Bakit kayo nagpakalapit sa lunsod? Hindi ba ninyo alam na maaari kayong panain mula sa itaas ng pader?
21 Hindi ba ninyo alam ang dahilan ng pagkamatay ni Abimelec na anak ni Gideon? Siya'y nabagsakan ng batong gilingan na inihulog ng isang babae mula sa itaas ng pader sa Tebez. Bakit masyado kayong lumapit sa pader?’ Kung magkagayon, saka mo sabihing napatay rin si Urias.”
22 Lumakad ang sugo at nag-ulat kay David ayon sa sinabi ni Joab.
23 Sinabi niya sa hari, “Lumabas po ang maraming mga kaaway at nilusob kami, ngunit napaurong namin sila hanggang sa may pasukan ng lunsod.
24 Noon po nila kami tinudla mula sa pader at ilan sa inyong mga pinuno ang napatay. Napatay rin po si Urias.”
25 Sumagot si David, “Kung gayon, sabihin mo kay Joab na huwag ikalungkot ang nangyari, sapagkat talagang ganyan ang labanan, may napapatay. Ipagpatuloy ninyo ang paglusob hanggang sa mawasak ang lunsod. Sabihin mong huwag masisira ang kanyang loob.”
26 Nang mabalitaan ni Batsheba na napatay si Urias, siya'y nagluksa. Pagkatapos ng pagluluksa,
27 ipinatawag siya ni David at naging asawa nito. Nagkaanak siya ng isang lalaki, ngunit hindi nalugod si Yahweh sa ginawang ito ni David.