1 Nagkaisa ang lahat ng lipi ng Israel na pumunta sa Hebron upang makipagkita kay David. Sinabi nila, “Kami'y laman ng iyong laman at dugo ng iyong dugo.
2 Nang si Saul pa ang hari namin, pinangunahan mo ang mga kawal ng Israel sa pakikipagdigma. Ipinangako sa iyo ni Yahweh na ikaw ang magiging pastor ng Israel at ikaw ang mamumuno sa kanyang bayan.”
3 Lahat ng pinuno ng Israel ay nagpunta nga sa Hebron at doo'y nakipagkasundo sa kanya sa harapan ni Yahweh. Binuhusan nila ng langis si David at kinilalang hari sa Israel.
4 Tatlumpung taon na noon si David nang siya'y magsimulang maghari, at naghari siya sa loob ng apatnapung taon.
5 Sa Hebron, pitong taon at kalahati siyang namuno sa Juda. Sa Jerusalem naman ay tatlumpu't tatlong taon siyang naghari sa buong Israel at Juda.
6 Nang siya'y maging hari, pinangunahan niya ang kanyang mga kawal upang lusubin ang mga Jebuseo na nasa Jerusalem. Sinabi nila kay David, “Hindi ka makakapasok dito, kahit mga bulag at lumpo lamang ang magtanggol dito.”
7 Ngunit nakuha ni David ang kuta ng Zion at ito'y tinawag na Lunsod ni David hanggang ngayon.
8 Bago iyon nangyari ay sinabi ni David, “Sinumang may gustong sumalakay sa mga Jebuseo ay umakyat sa daluyan ng tubig at patayin ang mga kawawang bulag at pilay na iyon.” Doon nagmula ang kawikaang, “Walang bulag o pilay na makakapasok sa templo ni Yahweh!”
9 Doon tumira si David sa kuta at tinawag na Lunsod ni David. Pinalawak niya ang lunsod mula sa Millo sa gawing silangan ng burol.
10 Habang tumatagal ay lalong nagiging makapangyarihan si David sapagkat sumasakanya si Yahweh, ang Diyos na Makapangyarihan sa lahat.
11 Si Haring Hiram ng Tiro ay nagpadala ng mga sugo kay David. Pagkatapos, nagpadala siya ng mga kahoy na sedar at mga karpintero at kanterong gagawa ng palasyo ni David.
12 Noon natiyak ni David na ang pagiging hari niya sa Israel ay pinagtibay na ni Yahweh at ginawang maunlad ang kanyang kaharian alang-alang sa bayang Israel.
13 Paglipat niya sa Jerusalem buhat sa Hebron, siya ay kumuha pa ng maraming asawa at asawang-lingkod. Nadagdagan pa ang kanyang mga anak.
14 Ito ang mga anak niya roon: sina Samua, Sobab, Natan, Solomon,
15 Ibhar, Elisua, Nefeg, Jafia,
16 Elisama, Eliada at Elifelet.
17 Nang mabalitaan ng mga Filisteo na si David ay kinilala nang hari ng Israel, tinipon nila ang kanilang hukbo upang siya'y digmain. Umabot ito sa kaalaman ni David, kaya't nagpunta siya sa isang kuta.
18 Dumating ang mga Filisteo at humanay sa kapatagan ng Refaim.
19 Sumangguni si David kay Yahweh, “Lalabanan ko ba ang mga Filisteo? Matatalo ko ba sila?” tanong ni David.Sumagot si Yahweh, “Lumusob ka at magtatagumpay ka.”
20 Lumusob nga si David at tinalo niya ang mga Filisteo sa Baal-perazim. Sinabi niya, “Nilupig ni Yahweh ang aking mga kaaway na parang dinaanan ng rumaragasang baha.” Kaya, Baal-perazim ang itinawag sa lugar na iyon.
21 Naiwan ng mga Filisteo ang kanilang mga diyus-diyosan at ang mga iyo'y kinuha nina David.
22 Ngunit nagbalik ang mga Filisteo at humanay muli sa kapatagan ng Refaim.
23 Sumangguni na naman kay Yahweh si David at ito ang sagot: “Huwag mo silang lulusubin nang harapan. Lumigid ka sa kanilang likuran sa tapat ng mga puno ng balsam.
24 Pagkarinig mo ng mga yabag sa itaas ng mga kahuyan, lumusob ka agad, sapagkat ako ang nangunguna upang gapiin sila.”
25 Sinunod ni David ang iniutos ni Yahweh at tinalo nga nila ang mga Filisteo mula sa Geba hanggang Gezer.