1 Minsa'y nagtanong si David, “Mayroon pa bang nalalabi sa sambahayan ni Saul? Gusto kong ipadama sa kanya ang aking kagandahang-loob alang-alang kay Jonatan.”
2 Nang buháy pa si Saul, may alipin siyang Ziba ang pangalan, kaya't ipinatawag ito ni David. Paglapit ni Ziba, tinanong siya ng hari, “Ikaw ba si Ziba?”“Ako nga po, mahal na hari” tugon niya.
3 “May nalalaman ka bang buháy sa sambahayan ni Saul? Gusto ko siyang pakitaan ng mabuti, ayon sa aking pangako sa Diyos,” wika ng hari.“Mayroon po. Si Mefiboset na anak ni Jonatan. Siya po'y isang lumpo,” tugon ni Ziba.
4 “Saan siya naroon?” tanong muli ng hari.“Nasa Lo-debar po, nakatira sa bahay ni Maquir na anak ni Amiel,” sagot ni Ziba.
5 Ipinasundo agad ni David
6 si Mefiboset, anak ni Jonatan at apo ni Saul. Nang maiharap siya kay David, siya'y nagpatirapa bilang pagbibigay-galang.“Ikaw ba si Mefiboset?” tanong ng hari.“Ako nga po, mahal na hari” sagot naman nito.
7 Sinabi ni David, “Huwag kang matakot. Gagawin ko ang lahat ng magagawa ko para sa iyo, alang-alang kay Jonatan. Ibabalik ko sa iyo ang lahat ng lupain ng iyong lolong si Saul, at laging nakahanda ang aking hapag para sa iyo.”
8 Nagpatirapang muli si Mefiboset, at sinabi niya, “Sino po ako para pag-ukulan ng pansin? Ako'y walang silbi!”
9 Tinawag ni David si Ziba at sa harapan niya'y sinabi, “Ibibigay ko sa apo ni Saul ang lahat ng ari-arian niya at ng kanyang sambahayan.
10 Kayo ng iyong mga anak at mga alipin ang magbubungkal ng kanyang lupain. Aalagaan ninyong mabuti upang mag-ani nang sagana at magkaroon ng sapat na pagkain ang sambahayan ng iyong panginoon. Ngunit si Mefiboset ay sa akin sasalo ng pagkain.” Ang mga anak ni Ziba ay labinlima at dalawampu ang kanyang mga alipin.
11 Sumagot si Ziba, “Masusunod pong lahat ang utos ninyo, Kamahalan.”At mula noo'y kasalo na ni David si Mefiboset, parang tunay na anak niya.
12 Si Mefiboset ay may bata pang anak na lalaki na ang pangala'y Mica. Mula nga noon, ang buong sambahayan ni Ziba ay naglingkod kay Mefiboset.
13 Kaya't si Mefiboset na pilay ang parehong paa ay nanirahan sa Jerusalem, at kasalo ng hari sa pagkain.