1 Nang makabalik na si Absalom, naghanda siya ng sariling karwahe, mga kabayo at limampung tauhan.
2 Maaga siyang bumabangon tuwing umaga at tumatayo sa tabi ng daang papasok sa lunsod. Ang bawat pumupunta roon na may dalang usapin para isangguni sa hari ay tinatanong niya kung tagasaan. Kapag sinabi ng tinanong ang kanyang liping pinagmulan,
3 sinasabi agad ni Absalom, “May katuwiran ka sa usapin mo, kaya lang, walang inilagay ang hari na mag-aasikaso sa iyo.”
4 Idinaragdag pa niya ang ganito: “Kung ako sana'y isang hukom ng bansa, tatanggapin ko ang bawat kasong dadalhin sa akin ng sinuman, at bibigyan ko siya ng katarungan.”
5 Ang bawat lumapit upang magbigay-galang sa kanya ay agad niyang hinahawakan at hinahagkan.
6 Ganito ang laging ginagawa ni Absalom sa mga Israelitang humihingi ng katarungan sa hari, kaya't nakuha niya ang loob ng mga ito.
7 Lumipas ang apat na taon at sinabi ni Absalom sa hari, “Pahintulutan ninyong magpunta ako sa Hebron upang tuparin ko ang aking panata kay Yahweh.
8 Nang nakatira pa ako sa Gesur ng Aram ay nangako ako nang ganito: ‘Kung loloobin ni Yahweh na ako'y makabalik sa Jerusalem, pupunta ako at sasamba sa kanya.’”
9 Pinayagan naman siya ng hari. Kaya't naghanda agad si Absalom at nagpunta sa Hebron.
10 Ngunit bago lumakad, siya'y lihim na nagpasugo sa lahat ng angkan ng Israel, at ito ang ipinasabi: “Kung marinig ninyo ang tunog ng trumpeta, isigaw ninyo: ‘Mabuhay si Absalom ang hari ng Hebron!’”
11 Buhat sa Jerusalem, nagsama siya ng dalawandaang lalaki ngunit ang mga ito'y walang nalalaman tungkol sa balak niya.
12 Habang nag-aalay si Absalom ng kanyang mga handog, ipinasundo niya si Ahitofel na taga-Gilo at isang tagapayo ni David. Dumami ang mga kasabwat at naging tagasunod ni Absalom.
13 Dumating kay David ang balitang si Absalom na ang kinikilalang hari ng Israel.
14 Sinabi niya sa mga kasama, “Mabuti pa'y umalis tayo sa Jerusalem. Kung hindi, nanganganib tayo kay Absalom. Magmadali tayo't baka tayo'y abutan niya! Kapahamakan ang sasapitin natin, sapagkat wala siyang igagalang isa man sa lunsod!”
15 Sumang-ayon naman ang mga lingkod ng hari. “Handa po kaming sumunod sa inyo,” sabi nila.
16 Kaya't umalis agad si David, kasama ang lahat sa palasyo maliban sa sampung asawang-lingkod. Iniwan niya ang mga ito upang mangalaga sa palasyo.
17 Pagsapit nila sa kahuli-hulihang bahay sa lunsod, sila'y huminto.
18 Tumayo sa tabi ng hari ang kanyang mga alipin habang minamasdan niya ang dumaraang mga pangkat. Ang mga ito'y binubuo ng personal na mga bantay ng hari at animnaraang taga-Gat na sumusunod sa kanya.
19 Nang makita ng hari si Itai, tinawag ito at sinabi, “Kasama ka rin pala! Mabuti pa'y bumalik ka na sa Jerusalem at hintayin mo roon ang bagong hari. Ikaw ay dayuhan lamang na ipinatapon dito ng inyong bansa.
20 Hindi ka pa nagtatagal dito, at hindi ka dapat sumama sa aming paglalagalag. Hindi ko alam kung saan ito hahantong. Isama mo ang iyong mga kababayan at bumalik na kayo. Nawa'y si Yahweh ang maging matatag at tapat mong kaibigan.”
21 Ngunit sinabi ni Itai, “Kamahalan, hangga't si Yahweh at ang hari ay nabubuhay, sasama kami sa inyo saan man kayo pumaroon kahit ito'y aming ikamatay.”
22 Sinabi ni David, “Mabuti! Kung gayon, magpatuloy ka.”Nagpatuloy nga siya, kasama ang mga tauhan at ang kanilang mga pamilya.
23 Umiyak ang mga taong-bayan habang umaalis ang hari at ang kanyang mga tauhan. Tumawid sila ng Batis ng Kidron at nagtuloy sa ilang.
24 Kasama rin nila ang paring si Zadok at lahat ng Levitang nagdadala ng Kaban ng Tipan. Ibinabâ muna nila ito hanggang makalabas ng lunsod ang mga tao. Kasama rin nila ang paring si Abiatar.
25 Tinawag ng hari si Zadok at sinabi, “Ibalik mo na sa lunsod ang Kaban ng Tipan. Kung nasisiyahan sa akin ang Diyos, ibabalik niya ako at makikita kong muli ang Kaban sa pinaglagyan nito.
26 Kung ako nama'y hindi na kinalulugdan, mangyari nawa sa akin ang kanyang kalooban.”
27 Sinabi ng hari kay Zadok, “Hindi ba't ikaw ay isang propeta? Bumalik kayo ni Abiatar at isama ninyo ang anak niyang si Jonatan at ang anak mong si Ahimaaz. Mag-iingat kayo!
28 Dito muna ako sa ilang, sa tabi ng batis at maghihintay ako ng iyong balita.”
29 Ang Kaban ng Tipan ay ibinalik nga nina Zadok at Abiatar sa Jerusalem, at doon na muna sila nanatili.
30 Si David ay umiiyak na umakyat sa Bundok ng mga Olibo. Wala siyang sandalyas at nakatalukbong, tanda ng kalungkutan. Lahat ng kasama niya'y nakatalukbong at umiiyak ding umakyat.
31 May nagbalita sa hari na si Ahitofel ay kabilang sa mga kasabwat ni Absalom, kaya't nanalangin siya, “Yahweh, sana'y gawin ninyong kahangalan ang mga payo ni Ahitofel.”
32 Nang sumapit siya sa taluktok ng bundok kung saan sinasamba si Yahweh, sinalubong siya ni Cusai na Arkita. Sira-sira ang damit nito at puno ng alikabok ang ulo.
33 Sinabi ni David, “Kung sasama ka, isa ka pang magiging pasanin ko.
34 Ngunit malaki ang maitutulong mo sa akin kung babalik ka sa lunsod, at pagdating ni Absalom sabihin mo sa kanyang maglilingkod ka sa kanya tulad ng ginawa mo sa akin. Ngunit lagi mong sasalungatin ang payo sa kanya ni Ahitofel.
35 Dalawang pari ang kasama mo roon, sina Zadok at Abiatar. Lahat ng iyong marinig sa palasyo'y sabihin mo agad sa kanila.
36 Si Ahimaaz na anak ni Zadok at si Jonatan na anak naman ni Abiatar ay kasama nila roon. Ang dalawang ito ang gawin mong tagapaghatid sa akin ng anumang balita.”
37 At si Cusai na kaibigan ni David ay bumalik nga sa lunsod habang papasok naman noon si Absalom sa Jerusalem.