1 Nang malaman ni Isboset na si Abner ay pinatay sa Hebron, pinagharian siya ng takot, pati ang buong Israel.
2 Noo'y may dalawa siyang pinuno sa pagsalakay, sina Baana at Recab. Sila'y mga anak ni Rimon na taga-Beerot at mula sa lipi ni Benjamin. Ang Beerot ay dating sakop ng Benjamin,
3 ngunit ang mga tagaroon ay tumakas at nagpunta sa Gitaim at doon na nanirahan.
4 Isa pa sa mga apo ni Saul ay si Mefiboset na anak ni Jonatan. Limang taon siya noon nang mapatay sa Jezreel sina Saul at Jonatan. Nang dumating ang malagim na balita, dinampot siya ng tagapag-alaga upang itakas. Ngunit sa pagmamadali ay nabitawan siya at iyon ang dahilan ng kanyang pagkalumpo.
5 Isang tanghali, sina Recab at Baana ay pumasok sa tahanan ni Isboset samantalang ito'y namamahinga.
6 Hindi sila namalayang pumasok sapagkat ang babaing bantay-pinto ay nakatulog dahil sa pagod sa paglilinis ng trigo.
7 Kaya't tuluy-tuloy sila sa silid ni Isboset at pinatay nila habang ito'y natutulog. Pinutol nila ang kanyang ulo saka sila tumakas. Magdamag silang naglakbay sa lupain ng Araba patungo sa Hebron.
8 Dinala nila ang ulo ni Isboset kay David at ang sabi rito, “Narito ang ulo ng anak ni Saul, ang nagtangka sa iyong buhay. Ipinaghiganti ngayon ni Yahweh ang inyong kadakilaan!”
9 Sumagot na may sumpa si David sa magkapatid na Recab at Baana, “Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy, at tumulong sa akin sa lahat kong kagipitan.
10 Hinuli ko at pinatay sa Ziklag ang taong nagbalita sa aking patay si Saul sa pag-aakalang matutuwa ako sa balitang iyon.
11 Gaano pa kaya ang aking gagawin sa mga taong pumatay sa walang malay na natutulog sa sariling tahanan! Hindi kaya dapat kayong lipulin sa daigdig na ito dahil sa ginawa ninyong iyan?”
12 Kaya't iniutos ni David na sila'y patayin at ganoon nga ang ginawa ng mga kawal. Pinutol nila ang mga kamay at paa ng magkapatid at ibinitin sa may lawa sa Hebron. Ang ulo naman ni Isboset ay dinala sa Hebron at isinama sa libingan ni Abner.