1 Ginawang dakila ng Diyos si David, anak ni Jesse. Siya ang lalaking pinili ng Diyos ni Jacob upang maging hari. Siya rin ang may-akda ng magagandang awit para sa Israel. Ito ang kanyang mga huling pangungusap:
2 “Nagsasalita sa pamamagitan ko ang Espiritu ni Yahweh,ang salita niya'y nasa aking mga labi.
3 Nagsalita ang Diyos ng Israel,ganito ang sinabi niya sa akin:‘Ang haring namamahalang may katarunganat namumunong may pagkatakot sa Diyos,
4 ay tulad ng araw sa pagbukang-liwayway,parang araw na sumisikat kung umagang walang ulap,at nagpapakislap sa dahon ng damo pagkalipas ng ulan.’
5 “Gayon pagpapalain ng Diyos ang aking sambahayan,dahil sa aming tipan na walang katapusan,kasunduang mananatili magpakailanman.Siya ang magbibigay sa akin ng tagumpay,ano pa ang dapat kong hangarin?
6 Ngunit ang mga walang takot sa Diyos ay matutulad sa mga tinik na itinatapon.Walang mangahas dumampot sa kanila;
7 at upang sila'y ipunin, kailangan ang kasangkapang bakal.Kapag naipon naman, sila'y tutupukin.”
8 Ito ang mga pangalan ng mga magigiting na kawal ni David: ang una'y si Yosev-basevet na taga-Taquemon. Siya ang pinuno ng pangkat na kung tawagi'y “Ang Tatlo.” Sa isang labanan, nakapatay siya ng 800 kalaban sa pamamagitan lamang ng kanyang sibat.
9 Ang pangalawa'y si Eleazar na anak ni Dodo, mula sa lahi ni Ahohi. Siya ang kasama ni David sa Pas-dammim nang sila'y lusubin ng mga Filisteo. Natalo ang mga Israelita, at nagsiatras,
10 liban kay Eleazar. Hinarap niyang mag-isa ang mga Filisteo hanggang sa manigas ang kanyang kamay sa paghawak sa espada. Ngunit pinagtagumpay siya ni Yahweh nang araw na iyon. Pagkatapos ng labanan, saka pa lamang bumalik ang kanyang mga kasamang kawal para samsaman ang mga kaaway na napatay niya.
11 Ang pangatlo ay si Samma na anak ni Age, isang taga-Arar. Sa Lehi ay may isang bukid na may tanim na gisantes. Dumating ang mga Filisteo at doon nagtipon. Natakot ang mga tagaroon at sila'y tumakas.
12 Ngunit dumating si Samma, at tumayo sa gitna ng bukid upang ipagtanggol ito. Napatay niya ang mga Filisteo sa tulong ni Yahweh.
13 Pagsisimula ng anihan, tatlo sa “Magigiting na Tatlumpu” ang nagpunta kay David sa yungib ng Adullam. Nagkakampo noon ang isang pangkat ng mga Filisteo sa Libis ng Refaim.
14 Nang panahong iyon, si David ay nagkukubli sa isang kuta samantalang nagkakampo sa Bethlehem ang mga kawal na Filisteo.
15 Dala ng matinding pananabik, nabigkas ni David ang ganito, “Sana'y makainom ako ng tubig buhat sa balon sa may pintuang-bayan ng Bethlehem!”
16 Nang marinig nila iyon, nangahas silang lumusot sa mga bantay na Filisteo, at kumuha ng tubig sa balong nabanggit. Dinala nila ito kay David, ngunit hindi niya ito ininom. Sa halip, ang tubig ay ibinuhos niya sa lupa bilang handog kay Yahweh.
17 Sinabi niya, “Hindi ko ito kayang inumin, Yahweh! Para ko na ring iinumin ang dugo ng mga nagtaya ng kanilang buhay upang makuha ito.” Minsan pang nakilala ang tapang ng tatlong magigiting na kawal na ito sa ginawa nilang iyon.
18 Ang pinuno ng pangkat na binubuo ng “Tatlumpu” ay si Abisai, kapatid ni Joab na anak naman ni Zeruias. Kinikilala siya ng mga ito sapagkat minsa'y pinuksa niya sa pamamagitan lamang ng sibat ang 300 kaaway.
19 Ito ang dahilan kaya ginawa siyang pinuno ng pangkat, ngunit kahit kinikilala siya sa tatlumpu, hindi pa rin siya kasintanyag ng “Tatlong Magigiting.”
20 Si Benaias na anak ni Joiadang taga-Kabzeel ay isa ring magiting na kawal sa maraming pakikipaglaban. Siya ang pumatay sa dalawang lalaki na ipinagmamalaki ng Moab. Minsan, nang panahong madulas ang lupa dahil sa yelo, lumusong siya sa balon at pinatay ang isang leon na naroon.
21 Siya rin ang pumatay sa isang higanteng Egipcio, kahit ang sandata niya'y isa lamang pamalo. Naagaw niya ang sibat ng Egipcio, at iyon na ang ipinampatay rito.
22 Iyan ang kasaysayan ng bantog na si Benaias, ang labis na hinahangaan at kaanib ng “Tatlumpu.”
23 Sa pangkat na ito, siya ay talagang kinikilala, ngunit hindi pa rin siya kasintanyag ng grupong “Ang Tatlo.” Dahil sa kanyang tapang, ginawa siyang sariling bantay ni David sa kanyang palasyo.
24 Ang iba pang kabilang sa pangkat ng “Tatlumpu” ay si Asahel na kapatid ni Joab; si Elhanan na anak ni Dodo na taga-Bethlehem;
25 si Samma na isang Harodita; si Elica na Harodita rin;
26 si Helez na isang Peleteo; si Ira na anak ni Ekis na taga-Tekoa;
27 si Abiezer na taga-Anatot; si Mebunai na taga-Husa;
28 si Zalmon na taga-Aho; si Maharai na taga-Netofa;
29 si Heleb, anak ni Baana, taga-Netofa rin; si Itai, anak ni Ribai na taga-Gibea sa lupain ng Benjamin;
30 si Benaias na taga-Piraton; si Hidai na buhat sa mga libis ng Gaas;
31 si Abi-albon na taga-Araba; si Azmavet na taga-Bahurim;
32 si Eliaba na taga-Saalbon; si Jasen na taga-Gimzo:
33 si Jonatan, anak ni Samma, taga-Arar; si Ahiam, anak ni Sarar, taga-Arar din;
34 si Elifelet, anak ni Ahasbai, taga-Maaca; si Eliam na anak ni Ahitofel na taga-Gilo;
35 si Hezrai na taga-Carmel; si Paarai na taga-Arab;
36 si Igal na anak ni Natan, taga-Soba; si Bani na mula sa Gad;
37 si Selec na taga-Ammon; si Naharai na taga-Beerot, tagapagdala ng kasuotang pandigma ni Joab na anak ni Zeruias;
38 sina Ira at Jareb na taga-Jatir;
39 at si Urias na Heteo. May tatlumpu't pitong magigiting na kawal si David.