1 Si David ay pababa na noon sa bundok nang sa di kalayua'y nakasalubong niya si Ziba, ang alipin ni Mefiboset. Ito'y may akay na dalawang asno na may kargang dalawandaang pirasong tinapay, sandaang kumpol ng pasas, sandaang buwig ng sariwang prutas, at isang sisidlang balat na puno ng alak.
2 “Anong gagawin mo sa mga 'yan, Ziba?” tanong ng hari.Sumagot si Ziba, “Ang dalawang asno ay para sakyan ng inyong pamilya, ang tinapay at ubas ay pagkain ng inyong mga alipin, at ang alak po nama'y para sa sinumang manghihina sa ilang.”
3 “Saan naroon ang anak ng iyong panginoong si Saul?” tanong ng hari.“Nasa Jerusalem po,” tugon ni Ziba, “sapagkat ang paniwala po niya'y ibibigay na sa kanya ang kaharian ng kanyang ama.”
4 Sinabi ng hari, “Ziba, ang lahat ng ari-arian ni Mefiboset ay magiging iyo.”Sumagot si Ziba, “Pag-utusan po ninyo ang inyong lingkod; maging karapat-dapat sana ako sa inyong pagtitiwala.”
5 Nang papalapit na sa Bahurim si Haring David, isang kamag-anak ni Saul ang lumabas sa lansangan na nagmumura. Ito'y si Simei na anak ni Gera.
6 Pinagbabato niya si David at ang mga tauhan nito, kahit napapaligiran ang hari ng kanyang mga bantay at kawal.
7 Ganito ang kanyang isinisigaw: “Lumayas ka! Lumayas ka! Mamamatay-tao! Kriminal!
8 Naghiganti na sa iyo si Yahweh dahil sa pagpatay sa sambahayan ni Saul at pag-agaw sa kanyang trono. Ibinigay na kay Absalom ang kanyang kaharian. Tapos na ang mga maliligayang araw mo; isa kang mamamatay tao!”
9 Sinabi ni Abisai, “Mahal na hari, bakit pumapayag kayong lapastanganin ng hampas-lupang ito? Ipahintulot po ninyong tagpasin ko ang kanyang ulo.”
10 Ngunit sinabi ng hari kay Abisai at sa kapatid nitong si Joab, “Huwag kayong makialam. Kung iniutos ni Yahweh kay Simei na sumpain ako, sinong may karapatang sumaway sa kanya?”
11 Sinabi ni David kay Abisai at sa lahat niyang lingkod, “Kung ang anak ko mismo ay nagtatangka sa aking buhay, hindi nga kataka-taka ang ginagawa ng Benjaminitang ito. Hayaan ninyo siyang magmura at sumpain ako. Inutusan siya ni Yahweh na gawin ito.
12 Baka naman kahabagan ako ni Yahweh sa kalagayang ito, at pagpalain ako sa halip na sumpain.”
13 Patuloy sa paglakad sina David at ang kanyang mga tauhan, samantalang sa gilid ng burol, sa tapat nila'y sumasabay si Simei. Hindi ito tumitigil ng panlalait, pambabato, at pagsasaboy ng alikabok sa dakong kinaroroonan nila sa kapatagan.
14 Pagkatapos, dumating ang hari at ang kanyang mga kasamahan na pagod na pagod sa may Ilog Jordan. At nagpahinga muna sila roon.
15 Hindi nagtagal, pumasok nga sa Jerusalem si Absalom kasama ang lahat ng Israelita pati si Ahitofel.
16 Nang magkita si Absalom at ang kaibigan ni David na si Cusai, sumigaw ito, “Mabuhay ang hari! Mabuhay ang hari!”
17 “Ito ba ang pagpapakita mo ng katapatan sa kaibigan mong si David?” tanong ni Absalom. “Bakit hindi ka sumama sa iyong kaibigan?”
18 Sumagot si Cusai, “Hindi po ako sumama sa kanya, sapagkat ang nais kong paglingkuran ay ang haring pinili ni Yahweh, ng mga tao, at ng bansang Israel.
19 Hindi ba marapat na paglingkuran ko ang anak ng aking panginoon? Paglilingkuran ko po kayo tulad nang paglilingkod ko sa inyong ama.”
20 Tinawag ni Absalom si Ahitofel at humingi ng payo rito, “Ano ba ang mabuting gawin natin?”
21 “Ganito ang gawin mo,” wika ni Ahitofel, “Sipingan mo ang mga asawang-lingkod ng iyong ama na iniwan niya sa palasyo. Sa ganoon, mababalita sa Israel na talagang kinakalaban mo ang iyong ama, at lalong lalakas ang loob ng mga kumakampi sa iyo.”
22 Kaya't kanilang ipinagtayo si Absalom ng tolda sa itaas ng palasyo upang makita ng buong Israel ang pagsiping niya sa mga asawang-lingkod ng kanyang ama.