1 Pagkaraan ng lahat ng ito, sumangguni si David kay Yahweh. “Pupunta po ba ako sa isa sa mga lunsod ng Juda?” tanong niya.“Lumakad ka,” sagot sa kanya ni Yahweh.“Saan pong lunsod?” tanong ni David.“Sa Hebron,” sagot ni Yahweh.
2 Kaya't lumakad si David kasama ang dalawa niyang asawa, sina Ahinoam na Jezreelita, at si Abigail, ang biyuda ni Nabal na taga-Carmel.
3 Isinama rin ni David ang kanyang mga tauhan pati ang kani-kanilang pamilya.
4 Dumating sa Hebron ang mga taga-Juda at binuhusan nila ng langis si David bilang hari ng Juda.Nang sabihin nila kay David, “Ang mga taga-Jabes-gilead ang naglibing kay Saul,”
5 nagpadala siya ng mga tauhan sa mga taong iyon dala ang pagbating, “Nawa'y pagpalain kayo ni Yahweh sa kagandahang-loob at kabutihang ginawa ninyo sa panginoon ninyong si Saul, nang siya'y inyong ilibing.
6 Kamtan nawa ninyo ang pag-ibig at katapatan ni Yahweh, at ako nama'y handang gumanti sa inyong kabutihang ginawa.
7 Maging matatag at matapang kayo. Patay na ang inyong haring si Saul at ginawa na akong hari ng mga taga-Juda.”
8 Samantala, si Isboset na anak ni Saul ay kinuha ni Abner na anak ni Ner, pinuno ng hukbo ni Saul. Siya'y dinala sa Mahanaim, sa kabilang ibayo ng Jordan.
9 Doo'y ginawang hari ni Abner si Isboset upang mamuno sa Gilead, sa mga Asureo, sa Jezreel, sa Efraim, sa Benjamin at sa buong Israel.
10 Si Isboset na anak ni Saul ay apatnapung taon noon at dalawang taóng naghari sa Israel, ngunit si David ang kinilalang hari ng lipi ni Juda.
11 Naghari si David roon sa loob ng pito't kalahating taon habang siya'y nanirahan sa Hebron.
12 Ang hukbo ni Isboset sa pangunguna ni Abner ay lumabas sa Mahanaim upang pasukin ang Gibeon.
13 Ang hukbo naman ni David sa pangunguna ni Joab, na anak ni Zeruias, ay lumabas din mula sa Hebron. Nagtagpo ang dalawang pangkat sa may ipunan ng tubig sa Gibeon at magkatapat na humanay.
14 Sinabi ni Abner kay Joab, “Palabasin mo ang magagaling ninyong tauhan at isa-isang makipagtagisan ng lakas sa mga tauhan namin.”“Mangyayari ang gusto mo,” sagot ni Joab.
15 Labindalawa sa panig ni David ang isa-isang lumabas at tinapatan naman ng labindalawang Benjaminita sa panig ni Isboset.
16 Bawat isa'y kumuha ng katapat, naghawakan sa ulo at nagsaksakan sa tagiliran. Sama-sama silang nagkamatayan, kaya ang lugar na iyon sa Gibeon ay tinawag na Parang ng Patalim.
17 Pagkatapos nito'y nagkaroon ng mahigpit na labanan sina Abner kasama ang mga taga-Israel laban sa mga tauhan ni David. Nang araw na iyon, natalo ang hukbo ng Israel na pinangungunahan ni Abner.
18 Naroon ang tatlong anak ni Zeruias: sina Joab, Abisai at Asahel. Si Asahel ay simbilis ng usa kung tumakbo.
19 Tuluy-tuloy na hinabol niya si Abner.
20 Lumingon ito at siya'y tinanong, “Ikaw ba si Asahel?”“Oo, ako nga,” sagot niya.
21 Sinabi sa kanya ni Abner, “Tigilan mo na ako. Iba na ang habulin mo at samsaman ng kanyang dala.” Ngunit hindi ito pinansin ni Asahel.
22 Muling nagsalita si Abner, “Huwag mo na akong habulin, Asahel. At baka mapatay pa kita. Kapag napatay kita, anong mukhang ihaharap ko sa kapatid mong si Joab?”
23 Ngunit hindi pa rin siya pinansin nito kaya't patalikod niyang isinaksak ang kanyang sibat at tumagos sa likod ni Asahel, at ito'y namatay. Ang lahat ng nakakita sa bangkay ni Asahel ay napapahinto.
24 Gayunman, patuloy ring tinugis si Abner ng magkapatid na Joab at Abisai. Nang palubog na ang araw, narating nila ang burol ng Amma, tapat ng Giah, sa daang patungo sa pastulan ng Gibeon.
25 Ang mga Benjaminita'y pumanig kay Abner; nagbuo sila ng isang pangkat at humanay sa ibabaw ng burol na iyon.
26 Sumigaw si Abner kay Joab, “Itigil na natin ang patayang ito! Wala itong magandang ibubunga. Patigilin mo na ang iyong mga tauhan sa paghabol sa kanilang mga kamag-anak.”
27 Sumagot si Joab, “Saksi ko ang Diyos na buháy. Kung hindi ka nagsalita, hindi ka nila titigilan hanggang umaga.”
28 Kaya't hinipan ni Joab ang trumpeta at ang lahat niyang tauhan ay huminto sa pagtugis sa hukbo ng Israel. At huminto na ang kanilang labanan.
29 Pagkatapos, si Abner at ang kanyang mga tauha'y magdamag at hanggang tanghaling naglakad sa Araba. Tumawid sila ng Jordan hanggang sa makarating sa Mahanaim.
30 Nagbalik naman si Joab at hindi na itinuloy ang paghabol kay Abner. Nang tipunin ang kanyang hukbo, nalaman niyang kulang ng labingsiyam ang kanyang mga tauhan, bukod pa kay Asahel.
31 Sa panig naman ng mga Benjaminita na pinangunahan ni Abner ay 360 ang napatay.
32 Inilibing nila si Asahel sa libingan ng kanyang ama sa Bethlehem. Magdamag na naglakad ang mga tauhan ni Joab at mag-uumaga na nang dumating sila sa Hebron.