1 Napansin ni Joab, anak ni Zeruias, na ang hari ay nananabik na makita si Absalom.
2 Kaya't nagpahanap siya sa Tekoa ng isang matalinong babae. Nang dumating ito ay sinabi niya, “Magsuot ka ng panluksa at magkunwari kang biyuda. Huwag kang mag-aayos para magmukha kang matagal nang nagluluksa.
3 Pagkatapos, pumunta ka sa hari at sabihin mo sa kanya ang ipagbibilin ko sa iyo.” Matapos silang mag-usap ni Joab, lumakad na ang babae.
4 Pagdating sa hari, siya'y nagpatirapa bilang pagbibigay-galang. Sinabi niya, “Tulungan po ninyo ako, mahal na hari!”
5 “Bakit? Ano bang nangyari sa iyo?” tanong ng hari.“Ako po'y isang biyuda,
6 may dalawa akong anak na lalaki. Minsan po'y nag-away sila sa bukid. Walang umawat sa kanila, kaya't napatay ang isa.
7 Dahil doon, pinuntahan ako ng mga kamag-anak ng aking asawa. Galit na galit po sila at pilit na kinukuha ang anak kong buháy upang patayin din dahil sa pagkapatay nito sa kanyang kapatid. Kung magkagayon, mawawala na ang natitirang pag-asa ko sa buhay, at mapuputol ang lahi ng aking asawa.”
8 Sinabi ng hari, “Umuwi ka na't ako na ang bahala.”
9 Ngunit sinabi ng babae, “Mahal na hari, anuman po ang inyong maging pasya, kami rin ang dapat sisihin. Wala po kayong dapat panagutan.”
10 Sinabi ng hari, “Kapag may bumanggit pa nito sa iyo, iharap mo sa akin para wala nang gumambala sa iyo.”
11 “Kung ganoon po,” wika ng babae, “ipanalangin po ninyo kay Yahweh na inyong Diyos na huwag na nilang paghigantihan ang aking anak.”Sumumpa ang hari, “Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy, walang masamang mangyayari sa anak mo.”
12 “Isa pa pong kahilingan kung maaari, Kamahalan,” patuloy ng babae.“Sabihin mo,” sagot ng hari.
13 At nagsalaysay ang babae. “Bakit po naman naisipan ninyong gawin ang ganoong kasamaan sa bayan ng Diyos? Sa inyo na rin pong bibig nanggaling ang hatol sa inyong Kamahalan sa hindi ninyo pagpapabalik sa inyong anak na inyong ipinatapon!
14 Mamamatay tayong lahat at matutulad sa tubig na matapos matapon ay hindi na mapupulot. Kung hindi man ibinabalik ng Diyos ang buhay ng isang patay, ginagawan naman niya ng paraang mabalik ang isang ipinatapon.
15 Sinabi ko po ito sa inyo dahil sa pagbabanta sa akin ng mga tao. Inisip ko pong kung ito'y ipagtapat ko sa inyo, maaaring dinggin ninyo ako at tulungan.
16 Kaya't maliligtas ako at ang aking anak sa mga nagtatangka sa aming buhay at naghahangad na angkinin ang lupaing ipinamana ng Diyos sa kanyang bayan.
17 Iniisip ko rin po na ang salita ninyo ay makapagdudulot sa akin ng kapanatagan sapagkat tulad kayo ng anghel ng Diyos na nalalaman ang lahat ng bagay. Sumainyo nawa si Yahweh na inyong Diyos!”
18 Sinabi ng hari, “Tatanungin kita. Magsabi ka ng totoo.”“Opo, Kamahalan,” wika niya.
19 “May kinalaman ba si Joab sa ginagawa mong ito?” tanong ng hari.“Mayroon nga po,” tugon niya. “Totoo pong ang lingkod ninyong si Joab ang nag-utos nito sa akin. Siya pong kumatha ng lahat ng sinasabi ko.
20 Ginawa po niya ito upang ipaalala sa inyo ang katayuan ng inyong anak. Ngunit kayo, Kamahalan, ay kasing talino ng anghel ng Diyos, at alam ninyo ang lahat ng nangyayari sa lupain.”
21 Dahil sa ginawang ito, tinawag ng hari si Joab at sinabi, “Pumapayag na akong pauwiin mo na rito si Absalom.”
22 Buong pagpapakumbabang nagpatirapa si Joab, at nang mabasbasan, sinabi niya, “Ngayon ko po natiyak ang kagandahang-loob ng inyong Kamahalan, sapagkat pinagbigyan ninyo ako sa aking kahilingan.” At siya'y nagpaalam.
23 Nagpunta agad si Joab sa Gesur at isinama sa Jerusalem si Absalom.
24 Ngunit hindi pinahintulutan ng hari na iharap sa kanya ito, kaya't doon na siya nagtuloy sa sariling tahanan.
25 Walang lalaki sa Israel na hinahangaan sa kakisigan tulad ni Absalom; walang maipipintas sa kanya mula ulo hanggang paa.
26 Buhok pa lamang nito na minsan lamang gupitin sa loob ng isang taon ay mahigit nang tatlong kilo.
27 Siya'y may anak na tatlong lalaki at isang napakagandang dalaga na Tamar ang pangalan.
28 Dalawang buong taon na nanatili si Absalom sa Jerusalem, na hindi man lang siya nakita ng hari.
29 Minsa'y ipinatawag niya si Joab upang suguin sa hari, ngunit hindi ito pumayag. Ipinatawag niyang muli ito, ngunit hindi rin siya sinunod.
30 Kaya't sinabi ni Absalom sa kanyang mga alipin, “Alam ninyong may karatig akong bukid ni Joab na may tanim na sebada. Puntahan ninyo ito at sunugin.” Sinunog nga ng mga alipin ang bukid na iyon.
31 Nagpunta agad si Joab kay Absalom at sinabi, “Bakit sinunog ng mga alipin mo ang aking bukid?”
32 Sumagot si Absalom, “Dalawang beses kitang pinakiusapang dalhin sa hari ang aking kahilingan sa kanya, ngunit hindi mo ako pinansin. Bakit mo pa ako kinuha sa Gesur? Mabuti pang hindi na ako umalis doon! Dalhin mo ako sa hari ngayon din at kung ako'y may kasalanan, handa akong mamatay.”
33 Nang marinig niya ito, nagpunta si Joab sa hari at matapos nilang mag-usap, si Absalom ay ipinatawag. Humarap naman ito sa hari at buong pagpapakumbabang nagbigay-galang. At hinagkan siya ng hari.