1 Dumating ang panahong muling nagalit sa Israel si Yahweh, at ginamit niya si David upang sila'y parusahan. Sinabi niya, “Lumakad ka at bilangin mo ang mga taga-Israel at mga taga-Juda.”
2 Kaya't inutusan ni David si Joab, ang pinuno ng kanyang hukbo, “Pumunta ka kasama ng iyong mga opisyal sa lahat ng lipi ng Israel mula sa Dan hanggang Beer-seba, at bilangin ninyo ang sambayanan. Gusto kong malaman kung gaano sila karami.”
3 Sumagot si Joab, “Sana'y loobin ni Yahweh, na paramihin ng sandaang ulit ang bilang ng sambayanan. At sana'y makita ninyo ang katuparan nito. Ngunit bakit gusto pa ninyong malaman ang bagay na ito?”
4 Ngunit iginiit ni David ang kanyang utos, kaya't lumakad sila upang isagawa ang pagbilang sa sambayanang Israel.
5 Tumawid sila ng Jordan at nagsimula sila sa Aroer tuloy sa lunsod sa gitna ng kapatagan patungong Gad hanggang sa Jazer.
6 Pagkatapos, tumuloy sila sa Gilead at sa Kades, sa lupain ng mga Heteo at nagtuloy hanggang sa Dan. Mula roo'y nagpunta sila sa Sidon at nagpatuloy
7 hanggang sa makarating sila sa may pader na lunsod ng Tiro. Nilibot nila ang lahat ng bayan ng mga Hivita at Cananeo at nagtapos sila sa Beer-seba sa katimugan ng Juda.
8 Nagbalik sila sa Jerusalem pagkatapos na malibot nila ang buong lupain sa loob ng siyam na buwan at dalawampung araw.
9 Iniulat ni Joab sa hari ang kabuuan ng lahat ng mga lalaking maaaring maglingkod sa hukbong sandatahan. Sa Israel ay 800,000 at sa Juda naman ay 500,000.
10 Matapos ipabilang ni David ang mga tao, inusig siya ng kanyang budhi. Sinabi niya kay Yahweh, “Nagkasala ako nang malaki sa ginawa kong ito, patawarin po ninyo ako sa aking kahangalan.”
11 Kinaumagahan, pagkagising ni David, sa utos ni Yahweh ay pumunta sa kanya ang propetang si Gad.Sinabi nito kay David,
12 “Ito po ang ipinapasabi sa inyo ni Yahweh, ‘Mamili ka kung alin sa tatlong parusang ito ang gusto mong gawin ko sa iyo:
13 Tatlong taóng taggutom sa iyong lupain, tatlong buwang pag-uusig ng iyong mga kaaway o tatlong araw na salot! Alin ang gusto ninyo para masabi ko sa nagsugo sa akin?”
14 Sumagot si David, “Hirap na hirap ang aking kalooban sa nangyaring ito. Sapagkat mahabagin si Yahweh, ang pipiliin ko'y ang tuwirang parusa niya, kaysa ako'y mahulog pa sa kamay ng mga tao.”
15 Kaya't si Yahweh ay nagpadala ng salot sa Israel, at mula sa Dan hanggang Beer-seba ay 70,000 tao ang namatay. Nangyari ito mula nang umagang iyon hanggang sa itinakdang panahon.
16 Nang iunat ng anghel ang kanyang kamay upang puksain ang mga taga-Jerusalem, pinigil siya ni Yahweh. Nagbago ang pasya nito at sinabi, “Tama na! Huwag mo nang ituloy.” Ang anghel ni Yahweh ay nakatayo noon sa giikan ni Arauna, isang Jebuseo.
17 Nang makita ni David ang anghel, sinabi niya kay Yahweh, “Napakalaki ng pagkakasalang nagawa ko sa inyo at ang mga walang malay na tupang ito ang nagdurusa. Ako at ang aking sambahayan ang parusahan ninyo.”
18 Nang araw ring iyon, lumapit si Gad kay David at sinabi, “Gumawa kayo ng altar para kay Yahweh sa giikan ni Arauna.”
19 Sinunod ni David ang utos ni Yahweh.
20 Nang makita ni Arauna na dumarating ang hari kasama ang kanyang mga lingkod, sumalubong siya at nagpatirapa sa harapan niyon.
21 “Ano po kaya ang inyong pakay, Kamahalan, at dumalaw sa inyong abang lingkod?” tanong ni Arauna.Sumagot si David, “Bibilhin ko ang iyong giikan para pagtayuan ng altar ni Yahweh, upang mahinto na ang salot.”
22 “Hindi na po kailangang bilhin ito; gamitin na po ninyo sa paghahandog,” tugon naman ni Arauna. Sinabi pa niya, “Mayroon po akong mga toro dito. Ito na po ang inyong ihandog. Ang kariton po namang ito at mga pamatok ay gawin na ninyong panggatong.”
23 Nang maibigay niya ang lahat ng ito ay idinugtong pa niya, “Maging kalugud-lugod nawa ang inyong handog kay Yahweh na inyong Diyos.”
24 Ngunit sinabi ng hari, “Hindi maaari; babayaran kita, sapagkat hindi ako maghahandog kay Yahweh nang anumang walang halaga sa akin.” Kaya't binayaran ni David ang giikang iyon at ang toro sa halagang limampung pirasong pilak.
25 Gumawa nga siya ng altar at nagdala roon ng handog na susunugin at handog pangkapayapaan. Pinakinggan ni Yahweh ang panalangin ni David para sa bansa at tumigil na nga ang salot sa Israel.