21 Galit na galit si Haring David nang mabalitaan ito.
22 Si Absalom nama'y suklam na suklam kay Amnon dahil sa paglapastangan nito sa kapatid niyang si Tamar. Hindi na niya ito kinibo mula noon.
23 Pagkaraan ng dalawang taon, inanyayahan ni Absalom ang lahat ng anak ng hari upang saksihan ang paggugupit sa kanyang mga tupa sa Baal-hazor, malapit sa Efraim.
24 Lumapit siya sa hari upang ipaalam ang bagay na ito, at tuloy anyayahan naman siya at ang kanyang mga pinuno.
25 “Huwag na, anak,” wika ng hari. “Maaabala kang masyado kung dadalo kaming lahat.” Pinilit siya ni Absalom ngunit hindi rin pumayag. Binasbasan na lang siya ng hari.
26 Bago umalis si Absalom, sinabi niya sa hari, “Kung hindi kayo makakadalo, si Amnon na lang po ang pasamahin ninyo sa amin.”“Bakit mo siya isasama?” tanong ng hari.
27 Ngunit nagpumilit si Absalom, at pinasama na rin ng hari si Amnon at ang iba pang mga kapatid nito.