1 May nagbalita kay Joab na umiiyak at nagluluksa ang hari sa pagkamatay ni Absalom.
2 Kaya't napalitan ng pagluluksa ang dapat sana'y pagdiriwang dahil sa pagtatagumpay ng hukbo. Nabalitaan ng mga kawal na labis na dinamdam ng hari ang nangyari sa kanyang anak.
3 Dahil dito'y tahimik silang pumasok sa lunsod, na parang mga kawal na nahihiyang magpakita sa madla dahil sa pagkatalo sa labanan.
4 Tinakpan ng hari ang kanyang mukha at umiyak nang malakas, “Absalom, anak ko! Absalom, anak ko!”
5 Pumasok si Joab sa silid at sinabi sa hari, “Sa araw na ito, inilagay ninyo sa kahihiyan ang inyong mga lingkod na nagligtas sa inyo, sa inyong mga anak, mga asawa at asawang-lingkod.
6 Minamahal ninyo ang namumuhi sa inyo at kinamumuhian ang nagmamahal sa inyo. Maliwanag ngayon na walang halaga sa inyo ang inyong mga opisyal at mga tauhan. Matamis pa yata sa inyo ang kami ay masawing lahat, basta't buháy lamang si Absalom.
7 Kaya, lumakad kayo ngayon din at harapin ninyo ang inyong mga tauhan at kilalanin ninyo ang kanilang katapatan. Kung hindi, isinusumpa ko sa pangalan ni Yahweh, sa gabi ring ito'y wala isa mang kawal na mananatili sa inyo. Kapag nangyari ito, ito na ang pinakamalaking kapahamakan sa buong buhay ninyo.”