19 Kinausap din ni Abner ang lipi ni Benjamin. Pagkatapos, nagpunta siya sa Hebron at sinabi kay David ang pinagkasunduan ng mga Israelita at ng lipi ni Benjamin.
20 Nang tanggapin ni David si Abner, may kasama itong dalawampung tauhan. Hinandugan niya ito ng isang salu-salo.
21 Sinabi ni Abner kay David, “Ngayo'y lalakad na ako upang ihandog nang buong-buo ang Israel sa inyong kamahalan. Magpapasakop sila sa inyo at maghari kayo sa kanila ayon sa inyong kagustuhan.” At mapayapang pinalakad ni David si Abner.
22 Pagkaalis ni Abner, dumating naman mula sa pagsalakay ang mga kawal ni David sa pangunguna ni Joab. Napakarami nilang samsam na dala.
23 Nalaman agad ni Joab na si Abner ay nakipagkita sa hari at pinayagan nitong umalis nang payapa.
24 Pinuntahan agad ni Joab ang hari at sinabi, “Bakit po ninyo ginawa ito? Naparito na nga si Abner ay pinakawalan pa ninyo? Ngayo'y wala na siya!
25 Hindi ba ninyo kilala si Abner? Naparito siya upang pagtaksilan kayo, gusto lamang niyang tiktikan ang inyong mga ginagawa.”