1 Ang aklat na ito ay naglalaman ng mga sinabi at ginawa ni Jeremias na anak ni Hilkias, isang pari na mula sa bayan ng Anatot, sa lupain ni Benjamin.
2 Si Yahweh ay nagpahayag sa kanya noong ikalabintatlong taon ng paghahari sa Juda ni Haring Josias, anak ni Haring Ammon.
3 Muling nagpahayag si Yahweh sa kanya nang si Jehoiakim na anak ni Josias ang hari ng Juda. Maraming beses pa siyang nagpahayag pagkatapos noon hanggang sa ikalabing isang taon ng paghahari ni Zedekias na anak rin ni Josias. At noong ikalimang buwan din ng taóng iyon, ang mga taga-Jerusalem ay sinakop at dinalang-bihag sa ibang bansa.
4 Sinabi sa akin ni Yahweh,
5 “Bago ka pa ipinaglihi at ipanganak ay pinili na kita upang maging propeta para sa lahat ng bansa.”
6 Ang sagot ko naman, “Panginoong Yahweh, hindi po ako magaling na tagapagsalita; bata pa po ako.”
7 Subalit ang sabi niya sa akin, “Huwag mong sabihing bata ka pa. Pumunta ka sa mga taong sasabihin ko sa iyo. Ipahayag mo sa lahat ang aking sasabihin sa iyo.
8 Huwag kang matakot sa kanila sapagkat ako'y kasama mo at iingatan kita. Akong si Yahweh ang nagsasabi nito.”
9 Pagkatapos, iniunat ni Yahweh ang kanyang kamay, hinipo ang aking mga labi, at sinabi, “Ngayon ay ibinigay ko na sa iyo ang mga mensaheng dapat mong sabihin.
10 Ibinibigay ko rin ngayon sa iyo ang kapangyarihang mangaral sa mga bansa at kaharian, upang sila'y bunutin at ibagsak, wasakin at itapon, itayo at itanim.”
11 Tinanong ako ni Yahweh, “Jeremias, ano ang nakikita mo?”“Sanga po ng almendra,” sagot ko.
12 “Tama ka,” ang sabi ni Yahweh, “sapagkat ako'y magbabantay upang matiyak na matutupad nga ang aking mga sinasabi.”
13 Muli akong tinanong ni Yahweh, “Ano pa ang nakikita mo?”Sumagot ako, “Isa pong kalderong kumukulo ang laman at halos tumagilid na mula sa gawing hilaga.”
14 At sinabi niya sa akin, “Mararanasan ng lahat ng naninirahan sa lupaing ito ang isang pagkawasak na magmumula sa hilaga.
15 Tatawagin ko ang lahat ng bansa sa hilaga. Darating silang lahat at ang kanilang mga hari'y maglalagay ng kani-kanilang trono sa harap ng pintuan ng Jerusalem, sa paligid ng mga pader nito, at sa ibang mga lunsod ng Juda.
16 Paparusahan ko ang aking bayan dahil sa kanilang kasalanan; tumalikod sila sa akin. Naghandog sila at sumamba sa mga diyus-diyosang ginawa ng kanilang mga kamay.
17 Humanda ka at magpakatatag; sabihin mo sa kanila ang lahat ng iuutos ko. Huwag kang matatakot sa kanila kundi'y hahayaan nga kitang matakot kung ikaw ay nasa kalagitnaan nila.
18-19 Subalit pakinggan mo itong mabuti, Jeremias! Ang bawat isa sa buong Juda—kasama na ang mga hari, mga pinuno, mga pari, at ang buong bayan—ay kakalabanin ka. Ngunit hindi sila magtatagumpay. Magiging sintatag ka ng isang lunsod na ligtas sa anumang panganib, sintibay ng haliging bakal o pader na tanso. Hindi ka nila matatalo sapagkat iingatan kita. Akong si Yahweh ang nagsasabi nito.”