1 Pagkatapos gapiin at dalhing-bihag sa Babilonia ng Haring Nebucadnezar si Haring Jeconias na anak ni Jehoiakim, kasama ang mga pinuno, mahuhusay na manggagawa at mga panday ng Juda mula Jerusalem patungong Babilonia, ipinakita sa akin ni Yahweh ang dalawang basket ng igos sa harap ng Templo ni Yahweh sa isang pangitain.
2 Napakaganda ng mga igos sa unang basket, mga unang nahinog na bunga; ngunit napakasasama naman ng igos na nasa pangalawang basket, at hindi na maaaring kainin.
3 At tinanong ako ni Yahweh, “Jeremias, ano ang nakikita mo?”Sumagot ako, “Mga igos po; napakagaganda ng nasa unang basket, ngunit napakasasama ng nasa isang basket at hindi na maaaring kainin.”
4 Pagkatapos ay sinabi sa akin ni Yahweh,
5 “Akong si Yahweh, ang Diyos ng Israel, ang nagsasabi: Katulad ng mabubuting igos na iyan, ang mga taga-Juda na dinalang-bihag sa Babilonia ay itinuturing kong mabubuting tao.
6 Pangangalagaan ko sila at ibabalik balang araw sa kanilang lupain. Patatatagin ko sila at hindi lilipulin; itatanim at hindi bubunutin.
7 Makikilala nila na ako si Yahweh; sila'y magiging aking bayan at ako ang magiging kanilang Diyos, sapagkat buong puso silang magbabalik-loob sa akin.
8 “Ngunit kung paanong hindi makain ang napakasasamang igos,” sabi ni Yahweh, “gayon din ang gagawin ko kay Haring Zedekias ng Juda, sa kanyang mga pinuno, at sa mga natira sa Jerusalem na nananatili sa lupaing ito, pati ang mga nanirahan sa Egipto.
9 Sila'y katatakutan sa lahat ng kaharian sa sanlibutan. Hahamakin sila, at ang pangalan nila'y magiging bukambibig sa pag-alipusta at pagsumpa kahit saan sila mapunta.
10 Daranas sila ng digmaan, taggutom, at salot hanggang sa lubusan silang mawala sa balat ng lupa, sa lupaing ibinigay ko sa kanila at sa mga ninuno nila.”