Jeremias 36 RTPV05

Binasa ni Baruc ang Kasulatan

1 Noong ika-4 na taon ng paghahari sa Juda ni Jehoiakim, anak ni Josias, sinabi ni Yahweh kay Jeremias,

2 “Kumuha ka ng isang sulatang balumbon at isulat mo ang lahat ng sinabi ko sa iyo laban sa Juda, sa Israel, at sa lahat ng bansa. Isulat mo ang lahat ng sinabi ko sa inyo mula nang una kitang kausapin, sa panahon ni Haring Josias, hanggang sa kasalukuyan.

3 Marahil, kung maririnig ng taga-Juda ang lahat ng kapahamakang binabalak kong iparanas sa kanila, tatalikuran nila ang kanilang masamang pamumuhay. At patatawarin ko naman sila sa kanilang kasamaan at mga kasalanan.”

4 Kaya tinawag ni Jeremias si Baruc, anak ni Nerias. Isinalaysay niya rito ang lahat ng sinabi sa kanya ni Yahweh, at isinulat namang lahat ni Baruc sa isang kasulatan.

5 Pagkatapos, sinabi niya kay Baruc, “Ayaw na akong papasukin sa Templo.

6 Kaya, ikaw na ang pumaroon sa araw ng pag-aayuno ng mga tao; basahin mo nang malakas ang kasulatang iyan upang marinig nila ang lahat ng sinabi sa akin ni Yahweh. Tumayo ka sa dakong ikaw ay maririnig ng lahat, pati ng mga Judiong nanggaling sa kani-kanilang bayan.

7 Baka sa ganito'y maisipan nilang tumawag kay Yahweh at talikuran ang kanilang masamang pamumuhay sapagkat binabalaan na sila ni Yahweh na labis nang napopoot at galit na galit.”

8 Sumunod naman si Baruc; binasa niya nang malakas sa loob ng Templo ang mga pahayag ni Yahweh na nakasulat sa kasulatan.

9 Noong ikasiyam na buwan ng ikalimang taon ng paghahari sa Juda ni Jehoiakim, anak ni Josias, ang mga tao'y nag-ayuno upang matamo ang paglingap ni Yahweh. Nag-ayuno ang lahat ng naninirahan sa Jerusalem at sa mga lunsod sa Juda.

10 Si Baruc ay pumasok sa Templo, sa silid ni Gemarias na anak ni Safan na kalihim ng hari. Ang silid na ito'y nasa gawing itaas, sa may pagpasok ng Bagong Pintuan ng Templo. Mula roon, binasa niya sa mga tao ang ipinasulat sa kanya ni Jeremias.

Binasa ang Kasulatan

11 Nang marinig ni Micaias, anak ni Gemarias at apo ni Safan, ang pahayag ni Yahweh na binasa ni Baruc mula sa isang kasulatan,

12 nagpunta siya sa palasyo ng hari, sa silid ng kalihim. Nagpupulong noon ang lahat ng pinuno—si Elisama, ang kalihim, si Delaias na anak ni Semaias, si Elnatan na anak ni Acbor, si Gemarias na anak ni Safan, si Zedekias na anak ni Hananias, at lahat ng iba pang pinuno.

13 Sinabi sa kanila ni Micaias ang narinig niyang binasa ni Baruc sa mga tao.

14 Inutusan ng mga pinuno si Jehudi na anak ni Netanias at apo ni Selemias mula sa lahi ni Cusi, upang sabihin kay Baruc na dalhin ang kasulatang binasa nito sa harapan ng kapulungan. Kaya dumating si Baruc na dala ang kasulatan.

15 “Maupo ka,” sabi nila, “at basahin mo sa amin ang nasasaad sa kasulatan.” Binasa naman ito ni Baruc.

16 Nang marinig nila ang buong kasulatan, may pagkabahala silang nagtinginan, at sinabi kay Baruc, “Ito'y kailangang ipaalam natin sa hari!”

17 At siya'y tinanong nila, “Paano mo naisulat ang lahat ng iyan? Idinikta ba sa iyo ni Jeremias?”

18 Sumagot si Baruc, “Ang bawat kataga nito'y idinikta po sa akin ni Jeremias, at isinulat ko naman po.”

19 At sinabi nila kay Baruc, “Magtago na kayo ni Jeremias. Huwag ninyong ipapaalam kahit kanino ang kinaroroonan ninyo.”

Sinunog ng Hari ang Kasulatan

20 Ang kasulatan ay inilagay ng mga pinuno sa silid ni Elisama, ang kalihim ng hari; pagkatapos, nagtungo sila sa bulwagan ng hari at ibinalita sa kanya ang lahat.

21 Ipinakuha ng hari ang kasulatan kay Jehudi. Kinuha naman nito ang kasulatan sa silid ni Elisama at binasa sa harapan ng hari at sa mga pinunong nakapaligid sa kanya.

22 Noon ay ika-9 na buwan at taglamig. Ang hari'y nasa kanyang silid na may apoy na painitan.

23 Kapag nakabasa si Jehudi ng tatlo o apat na hanay, pinuputol ng hari ang bahaging iyon sa pamamagitan ng isang lanseta at inihahagis sa apoy. Gayon ang ginawa niya hanggang sa masunog ang buong kasulatan.

24 Gayunman, hindi natakot o nagpakita ng anumang tanda ng pagsisisi ang hari, maging ang mga lingkod na kasama niya.

25 Kahit na nakiusap sa hari sina Elnatan, Delaias at Gemarias, na huwag sunugin ang kasulatan, sila'y hindi nito pinansin.

26 Pagkatapos, iniutos ng hari sa kanyang anak na si Jerameel na isama si Seraias na anak ni Azriel at si Selenias na anak ni Abdeel, upang dakpin si Propeta Jeremias at ang kalihim nitong si Baruc. Subalit sila'y itinago ni Yahweh.

Muling Isinulat ang Nilalaman ng Sinunog na Kasulatan

27 Matapos sunugin ng hari ang kasulatang ipinasulat ni Jeremias kay Baruc, sinabi ni Yahweh kay Jeremias

28 na ipasulat uli ang lahat ng nasa kasulatang sinunog ni Haring Jehoiakim.

29 Iniutos rin sa kanya ni Yahweh na sabihin kay Haring Jehoiakim, “Sinunog mo ang kasulatan, at itinatanong mo kung bakit sinulat ni Jeremias na darating ang hari ng Babilonia, sisirain ang lupaing ito, at papatayin ang mga tao at hayop.

30 Kaya ngayon, akong si Yahweh ang nagsasabi sa iyo, Haring Jehoiakim, na sinuman sa mga anak mo'y walang maghahari sa trono ni David. Itatapon sa labas ang iyong bangkay at mabibilad sa init ng araw at lamig ng gabi.

31 Paparusahan kita, at ang iyong mga salinlahi, pati ang iyong mga pinuno, dahil sa mga kasalanan ninyo. Ang mga babala ko'y hindi mo pinansin, gayon din ang mga taga-Jerusalem at taga-Juda, kaya pababagsakin ko na sa inyong lahat ang mga kapahamakang ibinabanta ko.”

32 Kumuha nga si Jeremias ng isa pang kasulatan, at ipinasulat muli kay Baruc ang lahat ng nasa kasulatang sinunog ni Haring Jehoiakim. Marami pang bagay na tulad ng ipinasulat niya kay Baruc ang nadagdag dito.

mga Kabanata

1 2 3 4 5 6 7 8 9 10 11 12 13 14 15 16 17 18 19 20 21 22 23 24 25 26 27 28 29 30 31 32 33 34 35 36 37 38 39 40 41 42 43 44 45 46 47 48 49 50 51 52