1 Sinasabi ni Yahweh, “Mga taga-Juda, ang inyong mga kasalanan ay isinulat ng panulat na bakal; iniukit sa pamamagitan ng matulis na diyamante sa inyong mga puso, at sa mga sulok ng inyong mga altar.
2 Naalala ng inyong mga anak ang mga altar at haliging ginawa ninyo para sa diyosang si Ashera. Ang mga ito'y nakatayo sa tabi ng malalagong puno sa ibabaw ng mga sagradong burol,
3 at sa mga bundok na nasa maluwang na lupain. Pababayaan kong makuha ng inyong mga kaaway ang mga kayamanan at mga ari-arian ninyo dahil sa mga kasalanang ginawa ninyo sa buong lupain.
4 Mapipilitan kayong isuko ang lupaing ibinigay ko sa inyo. At gagawin ko kayong mga alipin ng inyong mga kaaway sa lupaing wala kayong nalalaman, sapagkat parang apoy ang aking galit, at mananatiling nagniningas magpakailanman.”
5 Sinasabi ni Yahweh,“Susumpain ko ang sinumang tumatalikod sa akin,at nagtitiwala sa kanyang kapwa-tao,sa lakas ng mga taong may hangganan ang buhay.
6 Ang katulad niya'y halamang tumubo sa disyerto,sa lupang tuyo at maalat, na walang ibang tumutubo;walang mabuting mangyayari sa kanya.
7 “Mapalad ang mga taong nagtitiwala kay Yahweh,pagpapalain ang umaasa sa kanya.
8 Katulad niya'y isang punongkahoy na nakatanim sa tabi ng batisan;ang mga ugat ay patungo sa tubig;hindi ito manganganib kahit dumating ang tag-init,sapagkat mananatiling luntian ang mga dahon nito,kahit hindi umulan ay wala itong aalalahanin;patuloy pa rin itong mamumunga.
9 “Sino ang makakaunawa sa puso ng tao?Ito'y mandaraya at walang katulad;wala nang lunas ang kanyang kabulukan.
10 Akong si Yahweh ang sumisiyasat sa isipat sumasaliksik sa puso ng mga tao.Ginagantimpalaan ko ang bawat isa ayon sa kanyang pamumuhay,at ginagantimpalaan ayon sa kanyang ginagawa.”
11 Ang taong nagkakamal ng salapi sa pandarayaay parang ibong pumipisa sa hindi niya itlog.Mawawala ang mga kayamanang iyon sa panahon ng kanyang kalakasan,at sa bandang huli, siya'y mapapatunayang isang hangal.
12 Ang ating Templo'y katulad ng isang maharlikang trono,nakatayo sa isang mataas na bundok buhat pa noong una.
13 Ikaw, Yahweh, ang pag-asa ng Israel;mapapahiya ang lahat ng magtatakwil sa iyo.Maglalaho silang gaya ng pangalang isinulat sa alabok,sapagkat itinakwil ka nila, Yahweh,ang bukal ng tubig na nagbibigay-buhay.
14 Yahweh, pagalingin mo ako, at ako'y lubusang gagaling; sagipin mo ako, at ako'y ganap na maliligtas. Ikaw ang tangi kong pupurihin!
15 Sinasabi sa akin ng mga tao, “Nasaan ang mga banta ni Yahweh laban sa amin? Bakit hindi niya ito gawin ngayon?”
16 Hindi ko hiniling na parusahan mo sila, o ninais na sila'y mapahamak. Yahweh, nalalaman mo ang lahat ng ito; alam mo kung ano ang aking mga sinabi.
17 Huwag mo sana akong takutin; ikaw ang kublihan ko sa panahon ng kagipitan.
18 Biguin mo ang mga umuusig sa akin; ngunit huwag mo akong ilagay sa kahihiyan. Hasikan mo sila ng takot ngunit huwag mo akong tatakutin. Parusahan mo sila at sila'y iyong wasakin.
19 Sinabi sa akin ni Yahweh, “Pumunta ka at tumayo sa Pintuang-bayan na pinapasukan at nilalabasan ng mga hari ng Juda; pagkatapos, gayundin ang iyong gawin sa lahat ng pintuang-bayan sa Jerusalem.
20 Sabihin mo sa mga hari, sa lahat ng taga-Juda, sa sinumang nakatira sa Jerusalem, at sa pumapasok sa mga pintuang-bayang ito, na pakinggan ang sasabihin ko:
21 Kung ayaw ninyong mapahamak, huwag kayong magbubuhat ng anuman kung Araw ng Pamamahinga; huwag kayong papasok sa pintuang-bayan ng Jerusalem na may dalang anuman sa araw na iyon.
22 Huwag din kayong magbubuhat ng anuman mula sa inyong bahay at huwag kayong gagawa ng anumang trabaho sa Araw ng Pamamahinga; ito'y igalang ninyo bilang banal na araw, gaya ng iniutos ko sa inyong mga magulang.
23 Ngunit hindi sila nakinig sa akin o kaya'y sumunod, sa halip, nagmatigas pa sila. Ayaw nila akong sundin o paturo sa akin.
24 “Ngunit kung kayo'y makikinig sa akin, at hindi magdadala ng anuman pagpasok sa pintuang-bayan ng lunsod na ito kung Araw ng Pamamahinga; kung igagalang ninyo ang araw na ito bilang banal at hindi kayo gagawa ng anumang gawain,
25 makakapasok sa mga pintuang-bayan ng Jerusalem ang inyong mga hari at pinuno, at mauupo sa trono gaya ni David. Kasama ng mga taga-Juda at taga-Jerusalem, sasakay sila sa mga karwahe at mga kabayo, at laging mapupuno ng mga tao ang lunsod ng Jerusalem.
26 Darating ang mga tao mula sa bawat bayan sa Juda at sa mga nayon sa paligid ng Jerusalem; may darating mula sa lupain ng Benjamin, mula sa paanan ng mga bundok, mula sa kaburulan, at mula sa timog ng Juda. Magdadala sila sa aking Templo ng mga haing susunugin at mga handog na pagkaing butil at inumin, kamanyang, gayundin ng mga handog bilang pasasalamat.
27 Ngunit kailangang sumunod sila sa akin. Dapat nilang igalang ang Araw ng Pamamahinga, at huwag magbubuhat ng anuman sa araw na iyon pagpasok nila sa Jerusalem. Kung hindi, susunugin ko ang mga pintuang-bayan ng Jerusalem. Matutupok ang mga palasyo sa Jerusalem, at walang sinumang makakapatay sa sunog na ito.”