1 Paparusahan ni Yahweh ang mga namumunong walang malasakit sa kanilang mga nasasakupan at pinababayaang ang mga ito ay magkawatak-watak at mamatay.
2 Ito ang sabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel, tungkol sa mga pinunong nangangalaga sa kanyang bayan: “Pinapangalat ninyo at ipinagtabuyan ang aking kawan. Hindi ninyo sila binantayan kaya kayo'y paparusahan ko dahil sa inyong ginawang ito.
3 Ako na ang magtitipon sa mga nalabi sa aking mga tupa mula sa lahat ng lupaing pinagtapunan ko sa kanila. Ibabalik ko sila sa kanilang tinubuang lupa, at sila'y muling darami.
4 Hihirang ako ng mga tagapangunang magmamalasakit at mangangalaga sa kanila. Hindi na sila muli pang daranas ng takot at pag-aalala, at wala nang maliligaw kahit isa. Akong si Yahweh ang maysabi nito.”
5 “Nalalapit na ang araw,” sabi ni Yahweh, “na pipili ako ng isang matuwid na Sanga na magmumula sa lahi ni David, isang hari na mamamahala ng buong karunungan. Paiiralin niya sa buong lupain ang katarungan at katuwiran.
6 Magiging ligtas ang Juda sa panahon ng kanyang pamamahala, at ang Israel ay mapayapang mamumuhay. Ito ang pangalang itatawag sa kanya: ‘Si Yahweh ang ating katuwiran.’”
7 Ang sabi ni Yahweh, “Tiyak na darating ang panahon na ang mga tao'y hindi na manunumpa nang ganito: ‘Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy na nagpalaya sa Israel mula sa Egipto.’
8 At sa halip, sasabihin nila, ‘Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy na nagpalaya at nanguna sa mga Israelita mula sa lupain sa hilaga at sa lahat ng lupaing pinagtapunan ko sa kanila. Babalik sila sa sariling lupa at doon muling mamumuhay.’”
9 Tungkol sa mga bulaang propeta, ito ang pahayag ni Jeremias:Halos madurog ang puso ko,nanginginig ang aking buong katawan;para akong isang lasing, na nasobrahan sa alak,dahil sa matinding takot kay Yahwehat sa kanyang mga banal na salita.
10 Sapagkat napakaraming tao sa lupaing ito ang hindi tapat kay Yahweh;ginagamit nila ang kanilang kapangyarihan sa pagpapairal ng masama.Dahil sa kanyang sumpa, nagluksa ang buong lupainat natuyo ang mga pastulan.
11 “Wala nang takot sa akin ang mga propeta at ang mga pari;gumagawa sila ng kasamaan maging sa loob ng aking Templo,” ang sabi ni Yahweh.
12 “Kaya magiging madulas at madilim ang kanilang landas;sila'y madarapa at mabubuwal.Padadalhan ko sila ng kapahamakan;at malapit na ang araw ng kanilang kaparusahan.”Ito ang sabi ni Yahweh.
13 “Malaking kasalanan ang nakita kong ginagawa ng mga propeta sa Samaria:Sila'y nanghuhula sa pangalan ni Baalat inililigaw ang Israel na aking bayan.
14 Ngunit mas lalo pang kasuklam-suklam ang namasdan ko sa mga propeta sa Jerusalem:Sila'y nangangalunya at mga sinungaling,pinapalakas pa nila ang loob ng gumagawa ng masama,kaya wala nang tumatalikod sa kanyang masamang gawa.Naging katulad na sila ng mga taga-Sodoma at Gomorra.”
15 Kaya ganito ang sinasabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat tungkol sa mga propeta:“Halamang mapait ang ipapakain ko sa kanilaat tubig na may lason naman ang kanilang iinumin,sapagkat lumaganap na sa buong lupain ang kawalan ng pagkilala sa Diyos, dahil sa mga propeta sa Jerusalem.”
16 Ganito ang sabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat: “Huwag ninyong papakinggan ang mga propetang nagpapahayag sa inyo. Pawang kasinungalingan lamang ang sinasabi nila. Ang mga pangitaing kanilang sinasabi ay kathang-isip lamang nila at hindi nagmula sa akin.
17 Palagi nilang sinasabi sa mga taong ayaw makinig sa akin, ‘Magiging mabuti ang inyong kalagayan’; at sa mga ayaw tumalikod sa kasalanan, ‘Hindi ka daranas ng anumang kahirapan.’”
18 Subalit isa man sa mga propetang ito'y hindi nakakakilala kay Yahweh. Wala man lamang nakarinig sa kanyang pahayag o sumunod sa kanyang utos.
19 Ang poot ni Yahweh ay parang bagyong nagngangalit, parang nag-aalimpuyong ipu-ipo na kanyang pababagsakin sa masasama.
20 Hindi maaalis ang poot ni Yahweh hanggang hindi niya naisasakatuparan at nagaganap ang kanyang mahiwagang panukala. Sa mga huling araw ay mauunawaan ninyo ito.
21 Sinabi ni Yahweh, “Hindi ko sinugo ang mga propetang iyan, lumakad sila nang hindi ko inuutusan. Nagpahayag sila sa aking pangalan, gayong wala naman akong sinabi sa kanila.
22 Kung tunay nilang natutuhan ang aking mga salita, maipapangaral nila ang aking mensahe sa mga tao at sila'y magsisi at tatalikod sa kanilang masasamang gawa.
23 “Ako ay Diyos na nasa lahat ng dako, at hindi nananatili sa iisang lugar lamang.
24 Walang makakapagtago sa akin; makikita ko siya kahit saan siya pumunta. Sapagkat ako'y nasa lahat ng lugar sa langit at sa lupa.
25 Alam ko ang ginagawa ng mga propetang sinungaling; ginagamit nila ang aking pangalan at ipinamamalitang binigyan ko sila ng pangitain!
26 Kailan pa ba magbabago ang mga propetang ito na nangangaral ng kasinungalingan at nagpapahayag ng pandaraya ng kanilang mga puso?
27 Akala nila'y malilimot ako ng aking bayan dahil sa mga pangitaing sinasabi nila, gaya ng paglimot sa akin ng kanilang mga ninuno at naglingkod kay Baal.
28 Kung nanaginip ang isang propeta, dapat niyang sabihing ito'y panaginip lamang; ngunit kung narinig niya ang aking salita, ipahayag niya ito nang buong katapatan. Ano ang kaugnayan ng ipa sa trigo?” sabi ni Yahweh.
29 “Parang apoy ang aking salita at katulad ng martilyo na dumudurog sa malaking bato.
30 Ako'y laban sa mga propetang gumagamit ng salita ng ibang propeta at sinasabing iyon ang aking mensahe.
31 Ako'y laban sa mga propetang kumakatha ng sariling salita at pagkatapos ay sasabihing galing iyon kay Yahweh.
32 Ako'y laban sa mga propetang nagsasalaysay ng kasinungalingan upang dayain ang aking bayan. Hindi ko sila sinugo at wala silang kabutihang magagawa sa bayang ito.”
33 Sinabi ni Yahweh kay Jeremias, “Kung tanungin ka ng mga taong ito o ng isang propeta o pari, ‘Ano ang ipinapasabi ni Yahweh?’ ganito ang isagot mo, ‘Kayo ang nagiging pabigat kay Yahweh, kaya kayo'y itatakwil niya.’
34 Ang bawat propeta, pari o sinumang magsalita ng, ‘Ang nakakabigat kay Yahweh,’ ay paparusahan ko, pati ang kanyang sambahayan.
35 Ang sasabihin ninyo sa isa't isa, ‘Ano ang sagot ni Yahweh?’ o kaya, ‘Ano ang sabi ni Yahweh?’
36 Ngunit huwag na ninyong sasabihin kahit kailan ang, ‘Ito ang nakakabigat kay Yahweh.’ Mabibigatan talaga ang sinumang gagamit ng mga salitang ito, sapagkat binabaluktot niya ang salita ng kanyang Diyos, ang Diyos na buháy, ang Makapangyarihan sa lahat, si Yahweh.
37 Ganito ang sasabihin ninyo kung kinakausap ninyo ang isang propeta: ‘Ano ang sagot ni Yahweh?’ o kaya, ‘Ano ang sabi ni Yahweh?’
38 Ngunit kapag ginamit pa ninyo ang mga salitang, ‘Ito ang nakakabigat kay Yahweh,’ matapos kong ipagbawal ang paggamit niyon,
39 kayo'y ituturing ko ngang pasaning nakakabigat, at itatapon sa malayo, kayo at ang lunsod na ibinigay ko sa inyo at sa inyong mga ninuno.
40 Ilalagay ko kayo sa kahiya-hiyang kalagayan na hindi ninyo malilimutan habang buhay, at kayo ay hahamakin habang panahon.”