1 Pagkatapos ay sinabi sa akin ni Yahweh, “Kahit na sina Moises at Samuel ang makiusap sa harapan ko, hindi ko kahahabagan kahit kaunti ang mga taong ito. Paalisin mo sila; ayoko na silang makita.
2 Kapag itinanong nila sa iyo kung saan sila pupunta, sabihin mong itinakda na ang kanilang hantungan:Ang iba sa kanila'y mamamatay sa sakit.Masasawi naman sa digmaan ang iba.Ang iba'y sa matinding gutom.At bibihagin ng mga kaaway ang iba pa!
3 “Apat na nakakapangilabot na parusa ang ipinasiya kong ipadala sa kanila: Sila'y mamamatay sa digmaan; lalapain ng mga aso ang kanilang mga bangkay; kakainin ng mga buwitre ang kanilang laman; at sisimutin ng mababangis na hayop ang anumang matitira.
4 Gagawin ko silang kahindik-hindik sa lahat ng tao sa buong daigdig, dahil sa mga ginawa sa Jerusalem ni Manases na anak ni Hezekias noong siya'y hari sa Juda.
5 “Sino ang mahahabag sa inyo, mga taga-Jerusalem,at sino ang malulungkot sa sinapit ninyo?Sino ang mag-uukol ng panahonupang alamin ang inyong kalagayan?
6 Ako'y itinakwil ninyong lahat;kayo'y tumalikod sa akin.Kaya pagbubuhatan ko kayo ng kamay at aking dudurugin,sapagkat hindi ko mapigil ang poot ko sa inyo.Akong si Yahweh ang nagsasalita.
7 Kayo'y parang mga ipang itatahip ko,at tatangayin kayo ng hangin sa buong lupain.Padadalhan ko kayo ng kapighatian, kayo'y aking pupuksain, bayan ko,sapagkat ayaw ninyong iwan ang inyong masasamang gawa.
8 Mas marami pa ang magiging balo sa inyong kababaihankaysa dami ng buhangin sa dagat.Lilipulin ko ang inyong mga kabataan,aking patatangisin ang kanilang mga ina.At biglang darating sa kanila ang dalamhati at takot.
9 Ang inang mawawalan ng pitong anak na lalakiay mawawalan ng malay at hahabulin ang kanyang hininga.Para sa kanya, magdidilim ang dating maliwanagdahil sa malaking kahihiyan at pagdaramdam.Ang matitirang buháy ay pababayaan kong mamataysa kamay ng kanilang mga kaaway.Ako, si Yahweh, ang maysabi nito.”
10 Napakahirap ng kalagayan ko! Bakit pa ba ako isinilang sa daigdig na ito? Lagi akong may kaaway at kalaban sa buong lupain. Hindi ako nagpautang, o kaya'y nangutang; gayunman, nilalait ako ng lahat.
11 Yahweh, mangyari nawa ang kanilang mga sumpa sa akin kung hindi kita pinaglingkurang mabuti, at kung hindi ako nakiusap sa iyo para sa aking mga kaaway nang sila'y naghihirap at naliligalig.
12 Walang makakabali sa bakal, lalo na kung ang bakal ay mula sa hilaga, sapagkat ito'y hinaluan ng tanso.
13 At sinabi sa akin ni Yahweh, “Pababayaan kong agawin ng mga kaaway ang mga kayamanan at ari-arian ng aking bayan, bilang parusa sa mga kasalanang kanilang nagawa sa buong lupain.
14 At sila'y magiging mga alipin ng kanilang kaaway, sa isang lupaing hindi nila alam, sapagkat ang poot ko'y parang apoy na hindi mamamatay magpakailanman.”
15 Sinabi naman ni Jeremias, “Yahweh, ikaw ang nakakaalam ng lahat. Alalahanin mo ako't tulungan. Ipaghiganti mo ako sa mga umuusig sa akin. Huwag kang papayag sa kanila at baka ako'y kanilang patayin. Ako'y hinahamak nila dahil sa iyo.
16 Nagsalita ka sa akin, at pinakinggan kitang mabuti. Ang mga salita mo'y aking kagalakan. Ako'y sa iyo, Yahweh, Diyos na Makapangyarihan sa lahat.
17 Hindi ko sinayang ang aking panahon sa pagpapakaligaya sa buhay, kasama ang ibang mga tao, ni hindi ako nakigalak sa kanila. Dahil sa pagsunod sa iyong utos, nanatili akong nag-iisa at nagpupuyos sa galit ang kalooban ko.
18 Bakit hindi na natapos ang aking paghihirap? Bakit hindi na gumaling ang mga sugat ko? Talaga bang wala nang lunas ito? Nais mo bang ako'y mabigo, gaya ng isang batis na natutuyo sa tag-araw?”
19 Ganito ang isinagot ni Yahweh, “Kung manunumbalik ka, tatanggapin kita, at muli kitang gagawing lingkod ko. Kung magsasalita ka ng mga bagay na may kabuluhan, at hindi ng walang kabuluhan, muli kitang gagawing propeta. Lalapit sa iyo ang mga tao, at hindi ikaw ang lalapit sa kanila.
20 Sa harapan ng mga taong ito'y gagawin kitang isang matibay na pader na tanso. Lalabanan ka nila, ngunit hindi sila magtatagumpay. Sapagkat ako'y sasaiyo upang ingatan ka at panatilihing ligtas.
21 Ililigtas kita sa kamay ng masasama at iingatan laban sa mararahas.”