1 Nagpahayag si Yahweh kay Jeremias noong ika-10 taon ng paghahari sa Juda ni Zedekias, at ika-18 taon naman ni Nebucadnezar ng Babilonia.
2 Nang panahong iyon, na sinasalakay ng hukbo ng hari ng Babilonia ang Jerusalem, si Propeta Jeremias nama'y mahigpit na binabantayan sa bilangguan ng palasyo.
3 Ipinabilanggo siya ni Haring Zedekias dahil sa kanyang patuloy na pagpapahayag at pagsasabing, “Ito ang ipinapasabi ni Yahweh: Ipapasakop ko ang lunsod na ito sa hari ng Babilonia.
4 Si Haring Zedekias ay hindi makakaligtas sa mga taga-Babilonia, at ihaharap siya sa hari nito. Makakausap niya ito at makikita nang harap-harapan.
5 Dadalhin siyang bihag sa Babilonia at mananatili roon hanggang sa muli ko siyang maalala. Kahit anong pakikipaglaban ang gawin ninyo, hindi kayo magtatagumpay laban sa kanila.”
6 Sinabi pa ni Jeremias, “Ito ang pahayag sa akin ni Yahweh:
7 Si Hanamel na anak ng iyong amaing si Sallum ay lalapit sa iyo upang ipagbili ang kanyang bukirin sa Anatot sapagkat ikaw ang malapit niyang kamag-anak at may karapatang bumili niyon.”
8 Gaya nga ng sinabi ni Yahweh, si Hanamel ay pumunta sa akin at sinabi: “Bilhin mo na ang bukid ko sa Anatot, sa lupain ng Benjamin. Ikaw ang may karapatang bumili niyon bilang pinakamalapit kong kamag-anak.” Naalala ko ang sinabi ni Yahweh,
9 kaya binili ko ang bukid ng pinsan kong si Hanamel, sa halagang labimpitong pirasong pilak.
10 Nilagdaan ko ang kasulatan ng pagkabili at tinatakan; tumawag siya ng mga saksi, at tinimbang sa harapan nila ang salaping kabayaran.
11 Pagkatapos, kinuha ko ang kasulatan ng pagkabili, na tinatakan, at isang kopyang nakabukas,
12 at aking ibinigay kay Baruc na anak ni Nerias at apo ni Maaseias. Ito'y nasaksihan ni Hanamel, ng mga saksing lumagda sa kasulatan ng pagkabili, at ng mga Judiong nasa himpilan ng mga bantay.
13 Sa harapan nilang lahat, tinagubilinan ni Jeremias si Baruc ng ganito:
14 “Ito ang utos ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel: Kunin mo ang mga kasulatang ito—ang tinatakan at ang nakabukas—at ilagay mo sa isang tapayan para hindi masira agad.
15 Sapagkat ganito ang sabi ni Yahweh: Darating ang panahon na muling bibilhin ang mga bahay, bukirin, at ubasan sa lupaing ito.”
16 Nang maibigay na kay Baruc ang kasulatan ng pagkakabili,
17 si Jeremias ay nanalangin: “Panginoong Yahweh, nilikha mo ang langit at ang lupa sa pamamagitan ng iyong kapangyarihan. Walang bagay na mahirap para sa iyo.
18 Nagpamalas ka ng kagandahang-loob sa libu-libo ngunit pinaparusahan mo ang mga anak dahil sa kasalanan ng mga magulang. O dakila at makapangyarihang Diyos na ang pangala'y Yahweh na Makapangyarihan sa lahat,
19 dakila ang iyong mga panukala at kahanga-hanga ang iyong mga gawa. Nakikita mo ang ginagawa ng lahat ng tao, at ginagantihan ang bawat isa ayon sa kanyang pamumuhay at gawa.
20 Gumawa ka ng mga tanda at kababalaghan sa Egipto, at hanggang ngayo'y patuloy kang gumagawa ng mga kababalaghan sa Israel at sa ibang mga bansa, kaya kilala na ngayon ang iyong pangalan sa lahat ng dako.
21 Inilabas mo sa Egipto ang iyong bayang Israel, kasabay ng mga tanda at kababalaghan; ikaw ang umakay sa kanila, sa pamamagitan ng iyong lakas at taglay na kapangyarihan.
22 Ibinigay mo sa kanila ang lupaing ito na mayaman at sagana sa lahat ng bagay, gaya ng ipinangako mo sa kanilang mga ninuno;
23 pinasok nila ito at sinakop. Ngunit hindi nila sinunod ang iyong utos o namuhay man ayon sa iyong kautusan. Hindi nila tinupad ang alinman sa mga utos, kaya nga ipinadala mo sa kanila ang lahat ng kapahamakang gaya nito.
24 Sasalakay na ang mga taga-Babilonia; marami ang masasawi sa labanan, sa gutom, at sa salot. Ang lunsod ay mahuhulog sa kamay ng kaaway. Matutupad na ang lahat ng iyong sinabi.
25 Ngunit ikaw ang nag-utos sa akin, Panginoong Yahweh, na bilhin ko sa harapan ng mga saksi ang bukirin, bagaman ang lunsod na ito ay naibigay na sa mga taga-Babilonia.”
26 At sinabi ni Yahweh kay Jeremias,
27 “Ako si Yahweh, ang Diyos ng lahat ng tao; walang bagay na mahirap para sa akin.
28 Kaya nga, tandaan mo ang sinasabi ko: Ibibigay ko sa mga sundalo ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia ang lunsod na ito.
29 Ito'y papasukin ng hukbo niya at susunugin; kasamang matutupok ang mga bahay ng mga taong kinapopootan ko. Sapagkat ang mga bubungan nila'y ginamit na sunugan ng insenso para kay Baal, at dito rin ibinubuhos ang mga alak na handog sa ibang diyos.
30 “Buhat pa sa pasimula, wala nang ginawa ang Israel at ang Juda kundi puro kasamaan, kaya nagagalit ako sa kanilang ginagawa,” ang sabi ni Yahweh.
31 “Mula nang itayo ang lunsod na ito, lagi na lamang nila akong ginagalit, kaya wawasakin ko na ito.
32 Suklam na suklam na ako sa likong gawain ng mga taga-Israel at Juda, ng kanilang mga hari, mga pinuno, mga pari, mga propeta, at lahat ng naninirahan dito.
33 Ako'y tinalikuran nila; bagama't patuloy ko silang tinuruan, ayaw nilang makinig o tumanggap man ng payo.
34 Inilagay pa nila ang kanilang mga kasuklam-suklam na diyus-diyosan sa aking Templo, at sa gayo'y dinumihan ito.
35 Gumawa pa sila ng mga altar para kay Baal sa Libis ng Ben Hinom, at doon sinusunog bilang handog kay Molec ang kanilang mga anak. Hindi ko ito iniutos o inisip man lamang na ipagawa sa kanila upang magkasala ang Juda.”
36 Kaya nga, sinabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel, kay Jeremias, “Ipahayag mo na ang lunsod na ito'y ibibigay sa kamay ng hari ng Babilonia, sa pamamagitan ng digmaan, gutom at salot.
37 Ngunit ngayon, titipunin ko sila mula sa lahat ng lupaing pinagtapunan ko sa kanila nang ako'y magalit. Ibabalik ko sila sa lupaing ito, at ligtas na maninirahan dito.
38 At sila'y magiging aking bayan at ako ang magiging kanilang Diyos.
39 Magkakaisa sila ng puso at layunin sa pagsunod sa akin para sa kanilang kabutihan at ng kanilang mga anak.
40 Makikipagtipan ako sa kanila ng isang walang hanggang tipan; pagpapalain ko sila habang panahon at tuturuang sumunod sa akin nang buong puso upang hindi na sila tumalikod pa sa akin.
41 Ikagagalak ko ang gawan sila ng kabutihan. Ipinapangako kong patatatagin ko sila sa lupaing ito, at gagawin ko ito nang buong puso't kaluluwa.”
42 Sabi ni Yahweh, “Kung paanong pinadalhan ko ng kapahamakan ang bayang ito; gayon ko ipagkakaloob ang kasaganaang aking ipinangako.
43 Muling magbebentahan ng mga bukirin sa lupaing ito na ngayo'y wala nang naninirahan kahit tao o hayop, at nasa kamay ng mga taga-Babilonia.
44 At sa pagbibilihang muli ng mga bukirin, lalagdaan at tatatakan ang mga kasulatan ng pagkabili, sa harapan ng mga saksi. Ito'y magaganap sa Benjamin, sa paligid ng Jerusalem, sa mga lunsod ng Juda, sa kaburulan, sa Sefela, at sa mga lunsod sa timog ng Juda; sapagkat ibabalik ko ang kanilang kayamanan.”