1 Dumating si Haring Nebucadnezar ng Babilonia, kasama ang kanyang buong hukbo at kinubkob ang Jerusalem noong ikasampung buwan ng ikasiyam na taon ng paghahari ni Haring Zedekias sa Juda.
2 At noong ikasiyam na araw ng ikaapat na buwan naman ng ikalabing isang taon ng paghahari ni Zedekias, napasok nila ang lunsod.
3 Matapos makuha ang Jerusalem, lahat ng pinuno ng hari ng Babilonia ay sama-samang naupo sa Gitnang Pintuan ng lunsod. Kabilang dito sina Nergal-sarezer, Samgar-nebo, Sarsequim ng Rabsaris, Nergal-sarezer ng Rabmag, at ang iba pang mga pinuno ng hari ng Babilonia.
4 Nang makita sila ni Haring Zedekias at ng kanyang mga tauhan, tumakas sila pagsapit ng gabi. Sila'y dumaan sa halamanan ng hari, sa pintuang nasa pagitan ng dalawang pader, at tumakas patungo sa Libis ng Jordan.
5 Ngunit hinabol sila ng mga kawal ng Babilonia, at inabutan sa kapatagan ng Jerico. Nabihag si Zedekias at ang mga kasama niya, at dinala kay Haring Nebucadnezar na noo'y nasa Ribla, sa lupain ng Hamat. Iginawad ni Nebucadnezar ang hatol na kamatayan.
6 Pinatay ng hari ng Babilonia ang mga anak na lalaki ni Zedekias sa harapan nito pati ang mga pinuno ng Juda.
7 Ipinadukit ang mga mata ni Zedekias, at pagkatapos ay ginapos ng kadena upang dalhin sa Babilonia.
8 Sinunog din ng mga kaaway ang palasyo ng hari at ang mga bahay sa lunsod, at iginuho ang mga pader ng Jerusalem.
9 Sa pangunguna ni Nebuzaradan, ang pinuno ng bantay, dinalang-bihag sa Babilonia ang mga taong nalabi sa lunsod, pati ang mga kumampi sa kanya.
10 Ang tangi niyang iniwan sa lupain ng Juda ay ang mahihirap na taong walang anumang ari-arian; binigyan pa niya sila ng mga ubasan at bukirin.
11 Iniutos ni Haring Nebucadnezar kay Nebuzaradan,
12 “Kunin mo si Jeremias at alagaang mabuti. Huwag mo siyang sasaktan at sundin mo ang kanyang kahilingan.”
13 Kaya isinama ni Nebuzaradan ang matataas na pinunong sina Nebuzazban, Nergal-sarezer, at lahat ng iba pang pinuno ng hari sa Babilonia.
14 Kinuha nila si Jeremias mula sa himpilan ng bantay at ipinagkatiwala kay Gedalias, anak ni Ahicam na anak naman ni Safan. Doon siya tumira, kasama ng sarili niyang mga kababayan.
15 Samantalang nasa himpilan ng bantay si Jeremias, sinabi sa kanya ni Yahweh,
16 “Pumunta ka kay Ebed-melec na taga-Etiopia at sabihin mo: Ganito ang sinasabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel. Matutupad na ngayon ang lahat ng sinabi kong pagkawasak laban sa lunsod na ito. Makikita mo ang kapahamakang aking ibinabala sa takdang araw.
17 Subalit ililigtas kita sa araw na iyon, at hindi ka ibibigay sa kamay ng mga taong kinatatakutan mo.
18 Ikaw ay tiyak na ililigtas ko at hindi mapapatay ng mga kalaban. Mabubuhay ka sapagkat nanalig ka sa akin.”