1 Si Jeremias ay kinausap ni Yahweh tungkol sa mga Judiong naninirahan sa Egipto, sa Migdol, sa Tafnes, sa Memfis, at sa lupain ng Patros.
2 Ito ang kanyang sinabi: “Nakita ninyo ang kapahamakang nangyari sa Jerusalem at sa mga lunsod ng Juda. Ngayon ay wasak na ang mga ito, at wala nang naninirahan doon.
3 Ginawa ko ito dahil sa kasamaan nila. Nagsunog sila ng insenso at naglingkod sa mga diyos na hindi nila nakikilala, maging kayo o ng inyong mga ninuno.
4 Gayunman, patuloy kong sinugo sa inyo ang aking mga lingkod na propeta. Sinabi nila sa inyo, ‘Huwag ninyong gawin ang kasuklam-suklam na bagay na iyan.’
5 Subalit hindi sila nakinig; hindi nila pinagsisihan at tinalikuran ang kanilang kasamaan at patuloy rin silang nagsunog ng handog sa mga diyus-diyosan.
6 Napoot ako sa kanila kaya winasak ko ang kanilang mga lunsod hanggang ngayon.”
7 Ngayon nga'y sinasabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel: “Bakit ninyo ginawa ang kasamaang ito? Nais ba ninyong mamatay ang mga lalaki't babae, mga bata at sanggol? Nais ba ninyong lubusang maubos ang mga taga-Juda?
8 Bakit ninyo ako ginagalit sa pamamagitan ng inyong pagsamba at pagsusunog ng handog sa mga diyus-diyosan sa Egipto na inyong tinatahanan? Winawasak ninyo ang inyong sarili at kayo'y magiging tampulan ng paghamak at pagsumpa ng lahat ng bansa.
9 Nakalimutan na ba ninyo ang kasamaang ginawa ng inyong mga ninuno, ng mga hari at ng kanilang mga asawa, ang mga ginawa ninyo at ng inyong mga asawa, sa lupain ng Juda at sa mga lansangan ng Jerusalem?
10 Hanggang ngayo'y hindi kayo nagpapakumbabá o natatakot man, hindi sumusunod sa aking utos at mga tuntuning ibinigay sa inyo at sa inyong mga magulang.
11 “Kaya akong si Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel, ang nagsasabi: Nakapagpasya na akong kayo'y padalhan ng kapahamakan upang wakasan na ang buong Juda.
12 Paparusahan ko rin ang mga nalabi sa Juda na nagpumilit na manirahan sa Egipto; doon nila sasapitin ang kanilang wakas. Ang iba'y mamamatay sa digmaan; sa gutom naman ang iba. Dakila't hamak ay sama-samang mamamatay sa labanan, sa gutom o sa salot. At pagtatawanan, pandidirihan, hahamakin at susumpain.
13 Paparusahan ko ang mga nakatira sa Egipto, tulad ng ginawa kong parusa sa mga taga-Jerusalem; ito'y sa pamamagitan ng digmaan, taggutom, at salot.
14 Ang mga nalabi sa Juda ay nagpunta upang manirahan sa Egipto, at nagtitiwala silang makakabalik upang muling manirahan sa Juda. Ngunit hindi na sila makakabalik; isa man sa kanila'y walang mabubuhay o makakatakas.”
15 Ang lahat ng kalalakihang naroon na nakakaalam na ang kanilang mga asawa'y nagsusunog ng handog sa ibang diyos, gayon din ang mga kababaihang nakatayo sa malapit, at lahat ng naninirahan sa Patros, sakop ng Egipto, ay nagsabi kay Jeremias,
16 “Hindi namin papakinggan ang sinasabi mo sa amin sa pangalan ni Yahweh.
17 Sa halip gagawin namin ang lahat ng aming ipinangako sa aming sarili: magsusunog kami ng handog sa reyna ng kalangitan, mag-aalay kami ng handog na alak para sa kanya, gaya ng ginagawa ng aming mga ninuno, mga hari, at mga pinuno, at gaya ng ginawa namin sa mga lunsod ng Juda at sa mga lansangan sa Jerusalem. Noon ay sagana kami sa pagkain, payapa kami, at walang anumang kapahamakang dumating sa amin.
18 Ngunit simula nang ihinto namin ang pagsusunog ng handog sa reyna ng kalangitan at ang pag-aalay ng handog na alak sa kanya, dumanas kami ng matinding paghihirap. Marami sa amin ang nasawi sa digmaan at sa gutom.”
19 At sumagot ang mga babae, “Pinausukan namin ng insenso ang reyna ng kalangitan at kami'y naghandog ng alak sa kanya. Alam ng aming mga asawa na gumagawa kami ng mga tinapay na inukitan ng larawan niya. Nag-alay din kami ng alak na handog sa kanya.”
20 Kaya sumagot si Jeremias sa lahat ng mga nagsabi sa kanya nito,
21 “Hindi nakakalimutan ni Yahweh ang mga sinunog ninyong handog sa mga lunsod ng Juda at sa mga lansangan ng Jerusalem, kayo at ang inyong mga ninuno, mga hari, mga pinuno, at lahat ng nasa lupain.
22 Umabot na sa sukdulan ang inyong kasamaan kaya winasak ni Yahweh ang inyong lupain.
23 Dumating sa inyo ang kapahamakang ito sapagkat nagsunog kayo ng mga handog na ito, at iyan ay kasalanan kay Yahweh. Hindi rin ninyo sinunod si Yahweh o tinupad ang kanyang mga utos at tuntunin.”
24 Sinabi pa ni Jeremias sa mga tao, “Pakinggan ninyo ang pahayag ni Yahweh, lahat kayong taga-Juda na nakatira sa Egipto. Ito'y mga mensahe ni Yahweh, ang Makapangyarihang Diyos ng Israel.
25 Kayo at ang inyong mga asawang babae ay nagsabi ng ganito: ‘Gagawin namin ang aming ipinangako; magsusunog kami ng mga handog sa reyna ng kalangitan, at mag-aalay ng handog na alak sa kanya.’ Patunayan ninyo at tuparin ang inyong mga ipinangako.
26 Ngunit pakinggan ninyo ang sabi ng Panginoong Yahweh, kayong taga-Juda na naninirahan sa Egipto, “Isinusumpa ko sa aking dakilang pangalan na ang pangalan ko'y hindi na muling sasambitin ng mga taga-Juda. Hindi ko na ipapahintulot na gamitin ang aking pangalan sa panunumpa sa lupain ng Egipto.
27 Magbabantay ako upang padalhan kayo ng kasamaan at hindi kabutihan; lahat ng lalaking taga-Juda na nasa Egipto ay mamamatay sa digmaan at sa gutom, hanggang maubos silang lahat.
28 Pagkatapos noon, saka mapapatunayan ng lahat ng nalabi sa Juda, na naninirahan sa Egipto, kung kaninong salita ang natupad, ang sa kanila o ang sa akin.
29 Ito ang palatandaang ibibigay ko sa inyo na kayo'y aking paparusahan sa lugar na ito upang malaman ninyo na magaganap nga ang kasamaang sinalita ko laban sa inyo.
30 Ito'y mga salita ni Yahweh: si Faraon Hofra, hari sa Egipto, ay ibibigay ko sa kanyang mga kaaway na nagnanais pumatay sa kanya, katulad ng ginawa ko kay Haring Zedekias ng Juda, na ibinigay ko kay Haring Nebucadnezar na kaaway niya at nais siyang patayin.”