Jeremias 16:9-15 RTPV05

9 Ako si Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel. Pakinggan mo ang aking sasabihin: Sasalantain ko ang lugar na ito. Hindi na maririnig pa ang mga himig ng kagalakan at katuwaan. Hindi na maririnig ang masasayang tinig ng mga ikakasal. Ang kaganapan ng mga bagay na ito'y masasaksihan ng mga narito.

10 “At kapag sinabi mo sa kanila ang lahat ng ito, itatanong nila sa iyo kung bakit ko sila pinaparusahan nang gayon. Itatanong nila kung anong kasalanan ang nagawa nila laban sa akin na kanilang Diyos.

11 Sabihin mo sa kanila, ‘Ganito ang sabi ni Yahweh: Ang inyong mga ninuno ay tumalikod sa akin; sumamba at naglingkod sila sa mga diyus-diyosan. Itinakwil nila ako at hindi sinunod ang aking mga utos.

12 Ngunit higit na masama ang ginawa ninyo kaysa ginawa ng inyong mga ninuno. Kayong lahat ay matitigas ang ulo, masasama, at hindi sumusunod sa akin.

13 Dahil dito, ipapatapon ko kayo sa isang bayang hindi ninyo alam maging ng inyong mga ninuno. Doo'y maglilingkod kayo sa ibang diyos araw at gabi, at hindi ko kayo kahahabagan.’”

14 “Darating ang panahon,” sabi ni Yahweh, “na wala nang manunumpa nang ganito, ‘Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy na nagpalaya sa Israel mula sa Egipto!’

15 Sa halip, ang sasabihin nila'y, ‘Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy na nagpalaya sa Israel mula sa lupain sa hilaga, at mula sa iba't ibang bansang pinagtapunan sa kanila.’ Ibabalik ko sila sa sarili nilang bayan, ang lupaing ibinigay ko sa kanilang mga ninuno. Akong si Yahweh ang nagsasalita.”