27 Mapapahiya kayong lahat na nagsasabi sa punongkahoy, ‘Ikaw ang aking ama,’ at sa bato, ‘Ikaw ang aking ina.’ Mangyayari ito sapagkat itinakwil ninyo ako, sa halip na kayo'y maglingkod sa akin. Ngunit kung kayo naman ay naghihirap, hinihiling ninyong iligtas ko kayo.
28 “Nasaan ang mga diyus-diyosang inyong ginawa? Tingnan natin kung kayo'y maililigtas nila sa oras ng inyong pangangailangan. Juda, sindami ng iyong lunsod ang iyong mga diyos.
29 Akong si Yahweh ay nagtatanong, ano ang isusumbat ninyo sa akin? Lahat kayo'y mga suwail. Wala na kayong ginawa kundi kalabanin ako!
30 Pinarusahan ko kayo, ngunit di rin kayo nagbago. Para kayong mababangis na leon, pinagpapatay ninyo ang inyong mga propeta.
31 Pakinggan ninyong mabuti ang sinasabi ko. Wala ba kayong napakinabangan sa akin? Ako ba'y naging parang tigang na lupa sa inyo? Bakit sinasabi ninyong malaya na kayong gawin ang inyong maibigan, at hindi na kayo babalik sa akin?
32 Malilimutan ba ng dalaga ang kanyang mga alahas, o ng babaing ikakasal ang kanyang damit pangkasal? Subalit ako'y kinalimutan ng sarili kong bayan nang napakahabang panahon.
33 Alam mo kung paano aakitin ang mga lalaki. Talo mo pa ang masasamang babae sa iyong paraan.