2 ipakiusap kay Yahweh ang binabalak ni Haring Nebucadnezar na pakikipagdigma sa kanila. Sabi pa nila, “Marahil ay gagawa ng isang kamangha-manghang bagay si Yahweh, gaya ng ginawa niya noong unang panahon, upang hindi na ituloy ni Nebucadnezar ang kanyang balak na pagsalakay.”
3 Ganito ang sinabi ni Yahweh kay Jeremias bilang tugon sa kanila:
4 “Sabihin mo kay Zedekias na ito ang ipinapasabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel: Itataboy kong pabalik ang mga kawal na pinahaharap mo sa hari ng Babilonia at sa kanyang hukbo na ngayo'y nakapaligid sa inyo. Kukunin ko ang kanilang mga sandata at ibubunton ko sa gitna ng lunsod na ito.
5 Ako mismo ang lalaban sa inyo dahil sa tindi ng aking galit at poot na parang apoy na naglalagablab. Ang buong lakas ko'y gagamitin ko laban sa inyo.
6 Pupuksain ko ang lahat ng naninirahan sa lunsod, maging tao o hayop; mamamatay sila sa matinding salot.
7 Pagkatapos, si Haring Zedekias ng Juda, ang kanyang mga tauhan at nasasakupan, at lahat ng nasa lunsod na nakaligtas sa labanan, sa salot, at sa gutom, ay ibibigay ko naman sa kamay ni Nebucadnezar, hari ng Babilonia, at ng iba pa nilang kaaway. Papatayin silang lahat, at walang sinumang makakaligtas. Hindi niya sila kahahabagan kahit kaunti man. Ako, si Yahweh, ang maysabi nito.
8 “Sabihin mo sa bayang ito ang ipinapasabi ni Yahweh: Narito ang buhay at ang kamatayan. Mamili kayo sa dalawa.