12 Sinabi naman ni Jeremias sa mga pinuno at mga taong naroon, “Sinugo ako ni Yahweh upang magpahayag laban sa Templong ito at laban sa lunsod, gaya ng narinig na ninyo.
13 Kaya nga, magbago kayo ng inyong pamumuhay at mga gawain, at sundin ninyo ang utos ni Yahweh na inyong Diyos. Sa gayon, magbabago siya ng isip at hindi na itutuloy ang parusang inilalaan laban sa inyo.
14 Ako ay nasa ilalim ng kapangyarihan ninyo; maaari ninyong gawin ang anumang iniisip ninyong matuwid at makatarungan.
15 Ngunit ito ang inyong tandaan: Kapag ako'y pinatay ninyo, pumatay kayo ng taong walang kasalanan; at ito'y magiging sumpa sa inyo at sa lunsod na ito, pati sa lahat ng naninirahan dito, sapagkat alam ninyong sinugo ako ni Yahweh upang sabihin sa inyo ang mga bagay na ito.”
16 Nang makapagsalita si Jeremias, sinabi ng mga pinuno at lahat ng tao sa mga pari at mga propeta, “Hindi dapat hatulan ng kamatayan ang taong ito sapagkat ipinahayag niya sa atin ang ipinapasabi ni Yahweh.”
17 Tumayo ang ilang matatanda sa lupain at sinabi sa mga taong naroon,
18 “Si Mikas na taga-Moreset ay nagpahayag noong panahon ni Haring Hezekias ng Juda; sinabi niya sa lahat ng naninirahan sa Juda ang pahayag na ito ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat:‘Ang Zion ay bubungkaling tulad ng isang bukirin,magiging isang bunton ng gumuhong bato ang Jerusalem,at ang burol na kinatatayuan ng Templo'y magiging gubat.’