1 Nang pasimula ng paghahari sa Juda ni Zedekias na anak ni Josias, sinabi ni Yahweh kay Jeremias:
2 “Gumawa ka ng pamatok at lubid at ilagay mo sa iyong batok.
3 Pagkatapos, magpadala ka ng mensahe sa mga hari ng Edom, Moab, Ammon, Tiro at Sidon, sa pamamagitan ng kanilang mga sugo na ngayon ay nasa Jerusalem upang makipag-usap kay Haring Zedekias.
4 Sabihin mo sa kanila na ganito ang ipinapasabi ni Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel, sa kanilang mga hari:
5 ‘Ako ang lumikha sa lupa, sa mga tao, at sa mga hayop na naroon, sa pamamagitan ng aking kapangyarihan. Ibinibigay ko ito sa sinumang aking kinalulugdan.
6 Ang lahat ng lupaing ito'y ipinasiya kong ibigay kay Haring Nebucadnezar ng Babilonia na aking lingkod. Ibinigay ko rin ang mga hayop sa parang upang maglingkod sa kanya.
7 Lahat ng bansa'y maglilingkod sa kanya, sa kanyang mga anak at mga apo, hanggang sa bumagsak ang kanyang kaharian. Pagdating ng panahong iyon, ang kaharian naman niya ang aalipinin ng mga hari at bansang makapangyarihan.