14 Huwag kayong maniwala sa mga propetang pumipigil sa inyo na maglingkod sa hari ng Babilonia; kasinungalingan ang kanilang sinasabi sa inyo.
15 Hindi ko sila sinugo; ginagamit lamang nila ang aking pangalan. Kaya, palalayasin ko kayo sa lupaing ito at kayo'y malilipol, pati ang mga propetang nandaya sa inyo.”
16 Sinabi ko naman sa mga pari at sa buong bayan ang ipinapasabi ni Yahweh: “Huwag ninyong papakinggan ang mga propetang nagsasabi sa inyo na ang mga kagamitan sa bahay ni Yahweh ay ibabalik mula sa Babilonia sa madaling panahon. Kasinungalingan ang sinasabi nila sa inyo.
17 Huwag ninyo silang papakinggan; pasakop kayo sa hari ng Babilonia upang kayo'y mabuhay. Bakit kailangang mawasak ang lunsod na ito?
18 Kung sila'y talagang mga propeta, at kung salita nga ni Yahweh ang dala nila, ipakiusap nila kay Yahweh na Makapangyarihan sa lahat na ang mga kayamanang natitira pa sa Templo, sa palasyo ng hari, at sa Jerusalem, ay huwag madala sa Babilonia.
19 Ito ang sinasabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat tungkol sa mga haligi sa Templo, sa lalagyan ng tubig na yari sa tanso at mga patungan nito, at sa iba pang kagamitang natira sa lunsod.
20 Ang mga ito'y hindi kinuha ni Haring Nebucadnezar nang dalhin niyang bihag sa Babilonia si Haring Jeconias na anak ni Jehoiakim ng Juda, pati ang kanyang mga pinunong nasa Juda at Jerusalem.