7 Lahat ng bansa'y maglilingkod sa kanya, sa kanyang mga anak at mga apo, hanggang sa bumagsak ang kanyang kaharian. Pagdating ng panahong iyon, ang kaharian naman niya ang aalipinin ng mga hari at bansang makapangyarihan.
8 “‘Ngunit ang alinmang bansa o kaharian na hindi maglilingkod kay Haring Nebucadnezar ng Babilonia at hindi papailalim sa kanyang pamamahala ay paparusahan ko sa pamamagitan ng digmaan, taggutom at salot, hanggang sa ganap silang mapailalim sa kanyang kapangyarihan.
9 Kaya nga, huwag ninyong papakinggan ang inyong mga propeta, mga manghuhula, mga tumatawag sa espiritu ng mga patay, mga nagpapaliwanag ng mga panaginip, at mga manggagaway kapag pinipigil nila kayo na maglingkod sa hari ng Babilonia.
10 Kasinungalingan ang kanilang sinasabi sa inyo at ito ang magiging dahilan upang mapatapon kayo sa malayong lupain. Kayo'y itataboy ko, at mapapahamak kayong lahat.
11 Subalit kung ang alinmang bansa'y pasakop sa kapangyarihan ng hari ng Babilonia, pananatilihin ko sila sa kanilang bayan; bubungkalin nila ang sariling lupa at doon maninirahan.’”
12 Ganito rin ang sinabi ko kay Haring Zedekias ng Juda: “Pasakop kayo sa kapangyarihan ng hari ng Babilonia, at paglingkuran ninyo siya at ang kanyang bayan upang kayo'y mabuhay.
13 Kung hindi, mamamatay kayo sa digmaan at salot; ito ang parusang inilaan ni Yahweh sa alinmang bansang hindi maglilingkod sa hari ng Babilonia.