11 Ngunit darating ang panahon na muling maririnig sa lugar na ito ang katuwaan at kasayahan, ang tinig ng mga ikinakasal habang sila'y nasa bahay ni Yahweh upang maghandog ng pagpupuri at pasasalamat; maririnig ang sigawang,‘Purihin si Yahweh, na Makapangyarihan sa lahat,dahil sa kanyang kabutihan,pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!’At ibabalik ko ang kayamanan ng bayan. Ako, si Yahweh, ang maysabi nito.”
12 Ito ang sabi ni Yahweh: “Sa buong lupaing ito na walang pakinabang at walang nakatirang tao o hayop, muling magbabalik ang mga pastol at payapang magsisikain ang kanilang mga kawan.
13 Sa mga lunsod sa kaburulan, sa kapatagan, sa timog, sa lupain ng Benjamin, sa palibot ng Jerusalem at ng Juda, muling magkakaroon ng maraming kawan na inaalagaan ng kanilang mga pastol.”
14 Sinabi ni Yahweh, “Tiyak na darating ang araw na tutuparin ko ang aking pangako sa Israel at sa Juda.
15 At sa panahong iyon, pipili ako ng isang matuwid na Sanga na magmumula sa lahi ni David. Paiiralin niya ang katarungan at ang katuwiran sa buong lupain.
16 Sa mga araw ring iyon, maliligtas ang mga taga-Juda at mapayapang mamumuhay ang mga taga-Jerusalem. At sila'y tatawagin sa pangalang ito: ‘Si Yahweh ang ating katuwiran.’
17 Si David ay hindi mawawalan ng kahalili sa trono ng bayang Israel.