5 Naglabas si Jeremias ng mga lalagyang puno ng alak at ng mga kopa, at sinabi sa mga Recabita, “Uminom kayo.”
6 Subalit sinabi nila, “Hindi kami umiinom ng alak sapagkat iniutos sa amin ni Jonadab, anak ng aming ninunong si Recab, na huwag kaming iinom ng alak, maging ang aming mga anak.
7 Iniutos din niya na huwag kaming magtatayo ng mga bahay, magbubungkal ng bukirin, at magtatanim ng mga ubasan o bibili ng mga ito. Sinabihan niya kaming manirahan habang buhay sa mga tolda, upang patuloy kaming manirahan sa lupain na pinananahanan namin bilang mga dayuhan.
8 Sinusunod namin ang lahat ng bilin ng aming ninunong si Jonadab. Kahit kailan ay hindi kami uminom ng alak, maging ang aming mga asawa't mga anak.
9 Hindi kami nagtatayo ng bahay, wala kaming mga ubasan, bukirin, o triguhan;
10 sa mga tolda kami nakatira. Sinusunod namin ang lahat ng utos sa amin ni Jonadab.
11 Ngunit nang sakupin ni Haring Nebucadnezar ang bayang ito, nagpasya kaming pumunta sa Jerusalem upang makaiwas sa mga hukbo ng Babilonia at Siria. Kaya naninirahan kami ngayon sa Jerusalem.”