11 Isinama ni Ebed-melec ang mga lalaki, kumuha sila ng mga lumang damit sa taguan, at inihulog kay Jeremias sa pamamagitan ng lubid.
12 Sinabi ni Ebed-melec kay Jeremias, “Isapin po ninyo sa inyong kili-kili ang mga lumang damit para hindi kayo masaktan ng lubid.” Sumunod naman si Jeremias,
13 at hinila nila siya paitaas hanggang sa maiahon. Pagkatapos ay iniwan nila si Jeremias sa himpilan ng mga bantay.
14 Ipinatawag ni Haring Zedekias si Jeremias at kinausap sa ikatlong pintuan ng Templo. “May itatanong ako sa iyo at huwag kang maglilihim sa akin kahit ano,” sabi ng hari.
15 Sumagot si Jeremias, “Kung sabihin ko sa inyo ang katotohanan, ipapapatay ninyo ako, at kung payuhan ko naman kayo, ayaw ninyong pakinggan.”
16 Palihim na nangako kay Jeremias si Haring Zedekias, “Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy na nagbibigay-buhay sa atin! Ipinapangako kong hindi kita ipapapatay, at hindi rin kita ipagkakanulo sa mga taong ibig pumatay sa iyo.”
17 Matapos marinig ang gayon, sinabi ni Jeremias kay Zedekias ang sabi ni Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel, “Kung kayo'y susuko sa mga pinuno ng hari ng Babilonia, maliligtas ang buhay ninyo at hindi nila susunugin ang lunsod. Kayo at ang inyong sambahayan ay mabubuhay.