4 Subalit ikaw, Jeremias, ay pawawalan ko na. Kung ibig mo'y sumama ka sa akin sa Babilonia, at kakalingain kita. Ngunit kung ayaw mo, ikaw ang bahala. Masdan mo ang buong lupain sa harapan mo; maaari kang magpunta kung saan mo nais.”
5 Hindi sumagot si Jeremias, kaya nagpatuloy si Nebuzaradan. “Kung gusto mo naman, pumunta ka kay Gedalias; siya ang inilagay ng hari ng Babilonia bilang gobernador sa buong lupain ng Juda. Malaya kang makakapanirahan doon o kahit saan na iniisip mong mabuti.” Pagkatapos, binigyan niya si Jeremias ng pagkain at kaloob, at pinaalis na.
6 Si Jeremias nama'y pumunta kay Gedalias sa Mizpa, at doon nakipamayan kasama ng mga taong naiwan sa lupain ng Juda.
7 May mga pinuno at mga kawal ng Juda na hindi sumuko sa mga taga-Babilonia. Nabalitaan nila ang pagkahirang kay Gedalias bilang gobernador ng lupain at tagapamahala sa pinakamahihirap na mamamayan na hindi dinala sa Babilonia.
8 Kaya pinuntahan nila si Gedalias sa Mizpa. Kabilang sa mga pinunong ito sina Ismael na anak ni Netanias, Johanan na anak ni Karea, Seraias na anak ni Tanhumet, ang mga anak ni Efai na taga-Metofat, Jezanias na anak ng taga-Maaca.
9 At sinabi sa kanila ni Gedalias, “Huwag kayong matakot na maglingkod sa mga taga-Babilonia. Manirahan kayo sa lupaing ito, paglingkuran ninyo ang hari ng Babilonia, at kayo'y mapapabuti.
10 Ako ay mananatili rito sa Mizpa upang maging kinatawan ninyo sa mga sugo ng Babilonia na maaaring dumating dito. Kayo'y manirahan sa mga nayong inyong magustuhan. Anihin ninyo ang mga ubas, olibo at iba pang bungangkahoy, at mag-imbak kayo ng langis at alak.”