2 tumayo si Ismael at ang sampung tauhan nito at sinunggaban si Gedalias. Pinatay nila ang hinirang ng hari ng Babilonia sapagkat ginawa itong gobernador ng lupain.
3 Pinatay rin ni Ismael ang mga Judiong kasama ni Gedalias sa Mizpa, pati ang mga kawal na taga-Babilonia na nagkataong naroon.
4 Kinabukasan, matapos patayin si Gedalias, at bago pa nalaman ng sinuman,
5 may walumpung kalalakihang dumating buhat sa Shekem, Shilo, at Samaria. Ahit ang kanilang balbas, punit ang damit, at pawang sugatan; may dala silang trigo at insenso upang ihandog sa Templo ni Yahweh.
6 Lumabas mula sa Mizpa si Ismael; umiiyak siyang sumalubong at ang sabi, “Pumasok kayo, naririto si Gedalias na anak ni Ahicam.”
7 Pagkapasok nila sa lunsod, sila'y pinatay ni Ismael at ng mga tauhan nito, at itinapon sa isang hukay ang mga bangkay.
8 May sampung lalaking hindi napatay, at sila'y nakiusap kay Ismael, “Huwag mo kaming patayin. Marami kaming nakaimbak na trigo, sebada, langis, at pulot-pukyutan. Nakatago ang mga ito sa kabukiran.” Kaya, naawa siya at hindi sila pinatay.