19 Makinig ang buong sanlibutan! Ang mga taong ito'y mapapahamak bilang parusa at iyon ang nararapat sa kanila, sapagkat hindi nila sinunod ang aking mga utos, at itinakwil ang aking katuruan.
20 Walang halaga sa akin ang kamanyang kahit na galing pa iyon sa Seba. Hindi ko rin kailangan ang mga pabangong mula sa malalayong lupain. Ang mga handog nila'y hindi katanggap-tanggap. Hindi ako malulugod sa kanilang mga hain.”
21 Sabi pa ni Yahweh: “Maglalagay ako ng katitisuran nila, at silang lahat ay madadapa. Mamamatay ang mga magulang at mga anak, gayon din ang mga kaibigan at kapitbahay.”
22 Sinasabi ni Yahweh: “Isang malakas na bansa mula sa hilaga ang naghahanda sa pakikidigma.
23 Mga pana't sibat ang kanilang sandata; sila'y malulupit at walang awa. Kapag nakasakay sila sa kanilang mga kabayo, nagngangalit na dagat ang kanilang katulad. Handa na silang salakayin ang Jerusalem.”
24 Ang sabi naman ng mga taga-Jerusalem: “Narinig na namin ang balita, at nanlulupaypay kaming lahat. Labis kaming naghihirap, katulad ng isang babaing manganganak.
25 Ayaw na naming lumabas sa kabukiran o lumakad kaya sa mga daan, sapagkat ang mga kaaway ay may mga sandata. Takot ang nadarama naming lahat.”