13 At ngayon, ginawa rin ninyo ang mga kasalanang iyon. Paulit-ulit ko kayong pinaalalahanan, ngunit ayaw ninyong makinig. Hindi ninyo pinansin ang aking panawagan.
14 Kaya naman, ang ginawa ko sa Shilo ay gagawin ko rin sa Templong ito na labis ninyong pinagtiwalaan. Wawasakin ko ang lugar na ito na ibinigay ko sa inyo at sa inyong mga magulang, gaya ng ginawa ko sa Shilo.
15 Palalayasin ko kayo sa harap ko, tulad ng ginawa ko sa inyong mga kapatid, sa angkan ni Efraim.”
16 Sinabi ni Yahweh, “Huwag mong ipapanalangin ang mga taong ito, Jeremias. Huwag kang mananangis para sa kanila o magmamakaawa sapagkat hindi kita papakinggan.
17 Tingnan mo ang kanilang ginagawa sa mga lunsod ng Juda at sa mga lansangan ng Jerusalem.
18 Nangunguha ng panggatong ang kanilang mga anak, nagpaparikit ng apoy ang kalalakihan, at nagluluto ng tinapay ang kababaihan upang ihandog sa diyus-diyosang tinatawag nilang reyna ng kalangitan. Naghahandog din sila ng mga inumin sa ibang diyos, upang saktan ang aking kalooban.
19 Subalit ako bang talaga ang kanilang sinasaktan? Hindi, manapa'y ang kanilang sarili ang sinasaktan nila at inilalagay sa kahihiyan.