1 “Pagdating ng panahong iyon,” sabi pa ni Yahweh, “ang kalansay ng mga hari at mga pinuno sa Juda, mga pari, mga propeta, at iba pang naninirahan sa Jerusalem, ay aalisin sa kanilang libingan.
2 Ibibilad ang mga ito sa liwanag ng araw, buwan, at mga bituin na kanilang minahal, pinaglingkuran, sinunod, sinangguni, at sinamba. Sa halip na tipunin at ibaon, ang mga kalansay ay parang duming ikakalat sa lupa.
3 Para sa mga nabubuhay pa sa makasalanang lahing ito na nagkalat sa mga lupaing pinagtapunan ko sa kanila, nanaisin pa nila ang mamatay kaysa patuloy na mabuhay. Akong si Yahweh na Makapangyarihan sa lahat ang nagsasabi nito.”
4 “Jeremias, akong si Yahweh ang nagsasalita sa aking bayan. Kapag nabuwal ang isang tao, hindi ba muli siyang bumabangon? Kapag naligaw siya ng daan, hindi ba muli siyang magbabalik?
5 Bayan kong hinirang, bakit kayo lumalayo sa akin ngunit hindi naman nagbabalik? Bakit hindi ninyo maiwan ang inyong mga diyus-diyosan, at ayaw ninyong magbalik sa akin?
6 Naghintay ako at nakinig ngunit walang nagsalita ng katotohanan. Ni walang nagsisi sa kanyang kasalanan. Wala man lamang nagtanong, ‘Anong kasalanan ang nagawa ko?’ Bawat isa ay ginawa ang sariling maibigan, gaya ng kabayong patungo sa digmaan.
7 Nalalaman ng ibong palipat-lipat ng tirahan, ng batu-bato, ng langay-langayan at ng tagak, kung kailan sila dapat lumipat at kung kailan dapat magbalik. Ngunit kayo, na aking bayan, hindi ninyo nalalaman ang aking kautusan na dapat ninyong sundin.