1 “Mahalin ninyo ang Panginoon na inyong Dios at tuparin ang kanyang mga utos, tuntunin, panuntunan at kautusan.
2 Alalahanin ninyo ang naranasang pagtutuwid ng Panginoon na inyong Dios sa inyo. Kayo ang nakaranas nito at hindi ang mga anak ninyo. Hindi sila ang nakakita ng kadakilaan at kapangyarihan ng Panginoon,
3 at ng mga himala na ginawa niya sa Egipto laban sa Faraon na hari nito at sa buong bansa nito.
4 Hindi rin nila nakita ang ginawa ng Panginoon sa mga sundalong Egipcio at sa mga kabayo at mga karwahe nila, at kung paano nilunod ng Panginoon ang mga ito sa Dagat na Pula nang hinabol nila kayo. Nangamatay silang lahat.
5 Hindi rin nakita ng mga anak ninyo ang ginawa ng Panginoon sa inyo roon sa disyerto hanggang sa makarating kayo sa lugar na ito,
6 at kung ano ang ginawa niya kina Datan at Abiram, na mga anak ni Eliab na lahi ni Reuben. Nilamon sila ng lupang bumuka, pati ang kanilang pamilya, tolda at ang lahat ng nakatirang kasama nila. Nangyari ito sa harap ng mga Israelita.
7 Kayo ang nakakita ng mga dakilang bagay na ito na ginawa ng Panginoon.
8 “Kaya sundin ninyo ang lahat ng utos na ibinibigay ko sa inyo ngayon para may lakas kayo sa paglalakbay at sa pag-agaw ng lupain sa kabila ng Jordan.
9 Kung susunod kayo, mabubuhay kayo nang matagal doon sa maganda at masaganang lupain na ipinangako ng Panginoon na ibibigay sa inyong mga ninuno at sa kanilang mga salinlahi.
10 Sapagkat ang lupain na aangkinin at titirhan ninyo ay hindi gaya ng lupain sa Egipto na pinanggalingan ninyo. Doon sa Egipto, kapag magtatanim kayo, magpapakahirap pa kayo ng todo sa pagpapatubig nito.
11 Ngunit ang lupain na aangkinin ninyo ay may mga bundok at lambak na laging nauulanan.
12 Ang lupaing ito ay inaalagaan ng Panginoon na inyong Dios; binabantayan niya ito araw-araw sa buong taon!
13 “Kaya kung lagi lang ninyong susundin ang mga utos na ibinibigay ko sa inyo ngayon, na mahalin ninyo ang Panginoon na inyong Dios at paglingkuran ninyo nang buong pusoʼt kaluluwa,
14 padadalhan niya kayo ng ulan sa tamang panahon para makapag-ani kayo ng trigo, ng bagong katas ng ubas at ng olibo para gawing langis.
15 Bibigyan niya ng pastulan ang mga hayop ninyo, at magkakaroon kayo ng masaganang pagkain.
16 “Mag-ingat kayo dahil baka matukso kayong lumayo sa Dios at sumamba sa ibang mga dios at maglingkod sa kanila.
17 Kapag ginawa ninyo ito, magagalit ang Panginoon sa inyo at hindi na niya pauulanin at hindi na kayo makakapag-ani, at sa huli ay mawawala kayo sa magandang lupain na ibibigay ng Panginoon sa inyo.
18 Kaya panatilihin ninyo ang mga salita kong ito sa inyong pusoʼt isipan. Itali ninyo ito sa mga braso ninyo at ilagay sa inyong noo bilang paalala sa inyo.
19 Ituro ito sa inyong mga anak. Pag-usapan ninyo ito kapag naroon kayo sa inyong bahay at kapag naglalakad kayo, kapag nakahiga kayo o kapag kayoʼy babangon.
20 Isulat ninyo ito sa mga hamba ng inyong mga pintuan at sa pintuan ng inyong lungsod,
21 para kayo at ang inyong mga anak ay mabuhay nang matagal doon sa lupaing ipinangako ng Panginoon na ibibigay sa inyong mga ninuno. Maninirahan kayo rito hanggaʼt may langit sa ibabaw ng mundo.
22 “Kung susundin ninyong mabuti ang lahat ng mga utos na ibinibigay ko sa inyo, na mahalin ninyo ang Panginoon na inyong Dios at mabuhay ayon sa kanyang pamamaraan at manatili sa kanya,
23 itataboy ng Panginoon ang mga tao sa lupain na inyong aangkinin kahit na mas malaki at mas makapangyarihan pa sila sa inyo.
24 Ang lahat ng lupang matatapakan ninyo ay magiging inyo: mula sa disyerto papunta sa Lebanon, at mula sa Ilog ng Eufrates hanggang sa Dagat ng Mediteraneo.
25 Walang makakapigil sa inyo. Ayon sa ipinangako ng Panginoon na inyong Dios sa inyo, loloobin niyang matakot ang mga tao sa inyo saanmang dako kayo pumunta sa lugar na iyon.
26 Makinig kayo! Pinapapili ko kayo ngayon sa pagpapala o sa sumpa.
27 Pagpapalain kayo kung susundin ninyo ang mga utos ng Panginoon na inyong Dios na ibinibigay ko sa inyo ngayon.
28 Susumpain ko kayo kung hindi ninyo susundin ang mga utos na ito ng Panginoon na ibinibigay ko sa inyo ngayon, at sumamba sa ibang mga dios na hindi naman ninyo kilala.
29 Kapag dinala kayo ng Panginoon na inyong Dios sa lupain na inyong titirhan at aangkinin, ipahayag ninyo ang mga pagpapala sa Bundok ng Gerizim at ang sumpa ay ipahayag ninyo sa Bundok ng Ebal.
30 Ang mga bundok na ito ay nasa kanluran ng Ilog ng Jordan, sa lupain ng mga Cananeo na naninirahan sa Lambak ng Jordan malapit sa bayan ng Gilgal. Hindi ito malayo sa mga malalaking puno ng Moreh.
31 Tatawid na kayo sa Jordan para pasukin at angkinin ang lupaing ibinibigay ng Panginoon na inyong Dios sa inyo. Kapag nakuha na ninyo ito at doon na kayo naninirahan,
32 sundin ninyo ang lahat ng mga utos at tuntunin na ibinibigay ko sa inyo sa araw na ito.