1 “Pagkatapos, dumiretso tayo sa Bashan pero pagdating natin sa Edrei, sinalakay tayo ni Haring Og ng Bashan at ng mga sundalo nito.
2 Ngunit sinabi sa akin ng Panginoon, ‘Huwag kang matakot sa kanya dahil siguradong ibibigay ko siya sa iyo pati ang kanyang mga sundalo at ang kanyang lupain. Gagawin mo sa kanya ang ginawa mo kay Sihon na hari ng mga Amoreo, na naghari sa Heshbon.’
3 Kaya ibinigay sa atin ng Panginoon na ating Dios si Haring Og ng Bashan at ang lahat ng kanyang sundalo. Pinatay natin sila at wala tayong itinirang buhay.
4 Inagaw natin ang lahat ng 60 lungsod niya – ang buong teritoryo ng Argob kung saan naghahari si Haring Og ng Bashan.
5 Ang lahat ng lungsod na ito ay napapalibutan ng matataas na pader na may pintuan at kandado. Inagaw din natin ang napakaraming mga baryo na walang pader.
6 “Nilipol natin sila nang lubusan katulad ng ginawa natin kay Haring Sihon ng Heshbon. Pinatay natin ang lahat ng tao sa bawat lungsod na ating naagaw – mga lalaki, babae at bata.
7 Ngunit dinala natin ang lahat ng hayop at mga ari-arian na nasamsam natin sa kanilang mga lungsod.
8 “Kaya naagaw natin mula sa dalawang hari ng mga Amoreo, ang lupain sa silangan ng Ilog ng Jordan mula sa Lambak ng Arnon hanggang sa Bundok ng Hermon.
9 (Ang Bundok ng Hermon ay tinatawag ng mga Sidoneo na Sirion at ng mga Amoreo na Senir.)
10 Inagaw natin ang lahat ng bayan na nasa talampas, ang buong Gilead at ang buong Bashan hanggang sa Saleca at Edrei, na mga bayan na sakop ng kaharian ni Og ng Bashan.
11 (Si Haring Og lang ang nag-iisang natira sa mga lahi ng Refaimeo. Ang higaan niyang bakal ay may habang 13 talampakan at anim na talampakan ang lapad. Makikita pa ito ngayon sa Rabba na lungsod ng mga Ammonita.)
12 “Nang maagaw natin ang lupaing ito, ibinigay ko sa mga lahi nina Reuben at Gad ang lupain sa hilaga ng Aroer malapit sa Lambak ng Arnon pati na ang kalahati ng kaburulan ng Gilead at ang mga bayan nito.
13 Ibinigay ko ang natirang bahagi ng Gilead at ng buong Bashan, na kaharian ni Og, sa kalahating lahi ni Manase. (Ang buong Argob sa Bashan ay tinatawag noon na Lupa ng mga Refaimeo.)
14 Si Jair na mula sa lahi ni Manase, ang nagmamay-ari ng buong Argob na sakop ng Bashan hanggang sa hangganan ng lupain ng mga Geshureo at ng mga Maacateo. Pinangalanan ni Jair ng mismong pangalan niya ang teritoryong ito, kaya hanggang sa ngayon, ang Bashan ay tinatawag na ‘Mga Bayan ni Jair.’
15 Ibinigay ko ang Gilead sa pamilya ni Makir.
16 Ibinigay ko sa mga lahi nina Reuben at Gad ang mga lupain mula sa Gilead hanggang sa Lambak ng Arnon. Ang gitna ng Arnon ang kanilang hangganan sa timog, at ang kanilang hangganan sa hilaga ay ang Lambak ng Jabok, na hangganan din ng lupain ng mga Ammonita.
17 Ang hangganan sa kanluran ay ang Kapatagan ng Jordan pati na ang Ilog ng Jordan, mula sa Lawa ng Galilea hanggang sa Dagat na Patay sa ibabang bahagi ng libis ng Pisga sa silangan.
18 “Nang panahong iyon, inutusan ko ang mga angkan ninyo na naninirahan sa silangan ng Jordan, ‘Kahit na ibinigay ng Panginoon na inyong Dios ang lupang ito para angkinin ninyo, kailangang tumawid ang lahat ng sundalo ninyo sa Ilog ng Jordan na armado at handang manguna sa inyong mga kapatid na Israelita sa pakikipaglaban.
19 Ngunit iiwan ninyo ang inyong mga asawaʼt anak, at ang napakarami ninyong hayop sa mga bayan na ibinigay ko sa inyo.
20 Kapag naangkin na ng mga kapwa ninyo Israelita ang lupain sa kabila ng Jordan na ibinigay sa kanila ng Panginoon na inyong Dios, at kapag nabigyan na sila ng kasiguraduhan katulad ng kanyang ginawa sa inyo, makabalik na kayo sa lupaing ibinigay ko sa inyo.’
21 “At nang panahong iyon, sinabi ko rin kay Josue, ‘Nakita mo ang lahat ng ginawa ng Panginoon na inyong Dios sa dalawang haring iyon. Ganoon din ang gagawin ng Panginoon sa lahat ng kaharian na inyong pupuntahan.
22 Huwag kayong matakot sa kanila; ang Panginoon na inyong Dios mismo ang makikipaglaban para sa inyo.’
23 “Nang panahong iyon, nagmakaawa ako sa Panginoon. Sinabi ko,
24 ‘O Panginoong Dios, sinimulan na ninyong ipakita sa inyong lingkod ang inyong kadakilaan, dahil walang dios sa langit o sa lupa na makakagawa ng mga himala na inyong ginawa.
25 Kaya payagan po ninyo akong makatawid para makita ko ang magandang lupain sa kabila ng Jordan, ang magagandang kaburulan at ang mga kabundukan ng Lebanon.’
26 “Ngunit nagalit ang Panginoon sa akin dahil sa inyo, at hindi niya ako pinakinggan. Sinabi niya, ‘Tama na iyan! Huwag mo na akong kausapin tungkol sa mga bagay na iyan.
27 Umakyat ka sa tuktok ng Bundok ng Pisga at tumanaw sa lupain sa kahit saang direksyon, dahil hindi ka makakatawid sa Jordan.
28 Ngunit turuan mo si Josue sa kanyang gagawin. Palakasin mo ang loob niya dahil siya ang mamumuno sa mga taong ito sa pagtawid sa Jordan. Ibibigay niya sa kanila ang lupaing nakikita mo ngayon!’
29 Kaya nanatili tayo sa lambak malapit sa Bet Peor.”