1 Ito ang basbas na sinabi ni Moises na lingkod ng Dios sa mga Israelita bago siya namatay.
2 Sinabi niya,“Dumating ang Panginoon galing sa Sinai;nagpakita siya galing sa Bundok ng Seir katulad ng pagsikat ng araw.Sumikat siya sa mga tao galing sa Bundok ng Paran.Dumating siya kasama ang libu-libong mga anghel,at ang kanyang kanang kamay ay may dala-dalang naglalagablab na apoy.
3 Tunay na minamahal ng Panginoon ang kanyang mamamayan.Pinoprotektahan niya ang mga taong kanyang pinili.Kaya siyaʼy sinusunod nila at tinutupad ang kanyang utos.
4 Ibinigay ni Moises sa ating mga lahi ni Jacob ang kautusan bilang mana.
5 Naging hari ang Panginoon ng Israel nang magtipon ang kanilang mga pinuno at ang kanilang mga angkan.”
6 Sinabi ni Moises tungkol sa lahi ni Reuben,“Sanaʼy hindi mawala ang mga lahi ni Reuben kahit kakaunti lang sila.”
7 Sinabi ni Moises tungkol sa lahi ni Juda“O Panginoon, pakinggan po ninyo ang paghingi ng tulong ng lahi ni Juda.Muli po ninyo silang isama sa ibang mga lahi ng Israel.Protektahan at tulungan ninyo sila laban sa kanilang mga kaaway.”
8 Sinabi ni Moises tungkol sa lahi ni Levi,“O Panginoon, ibinigay po ninyo ang ‘Urim’ at ‘Thummim’ sa tapat ninyong mga lingkod na lahi ni Levi.Sinubukan ninyo sila sa Masa at sinaway sa tabi ng tubig ng Meriba.
9 Nagpakita sila ng malaking katapatan sa inyo kaysa sa kanilang mga magulang, mga kapatid at mga anak.Sinunod po nila ang inyong mga utos, at iningatan ang inyong kasunduan.
10 Tuturuan nila ang mga Israelita ng inyong mga utos at tuntunin,at maghahandog sila ng insenso at mga handog na sinusunog sa inyong altar.
11 O Panginoon, pagpalain nʼyo po sila, at sanaʼy masiyahan kayo sa lahat ng kanilang ginagawa.Ibagsak po ninyo ang kanilang mga kaaway upang hindi na sila makabangon pa.”
12 Sinabi ni Moises tungkol sa lahi ni Benjamin,“Minamahal ng Panginoon ang lahi ni Benjamin,at inilalayo niya sila sa kapahamakan at pinoprotektahan sa buong araw.”
13 Sinabi ni Moises tungkol sa lahi ni Jose,“Sanaʼy pagpalain ng Panginoon ang kanilang lupain at padalhan silang lagi ng ulan at ng tubig mula sa ilalim ng lupa.
14 Sa tulong ng araw, mamunga sana nang maayos ang kanilang mga pananim at mamunga sa tamang panahon nito.
15 Sana ang kanilang sinaunang kabundukan at kaburulan ay magkaroon ng mabuti at masaganang mga bunga.
16 Umani sana ng pinakamagandang produkto ang kanilang lupa dahil sa kabutihan ng Dios na nagpahayag sa kanila sa naglalagablab na mababang punongkahoy. Manatili sana ang mga pagpapalang ito sa lahi ni Jose dahil nakakahigit siya sa kanyang mga kapatid.
17 Ang kanyang lakas ay katulad ng lakas ng batang bakang lalaki.Ang kanyang kapangyarihan ay katulad ng kapangyarihan ng sungay ng mailap na baka.Sa pamamagitan nito, ibabagsak niya ang mga bansa kahit na ang nasa malayo.Ganito ang aking pagpapala sa maraming mamamayan ng Efraim at Manase.”
18 Sinabi ni Moises tungkol sa lahi nila Zebulun at Isacar,“Matutuwa ang lahi nina Zebulun at Isacar dahil uunlad sila sa kanilang lugar.
19 Iimbitahan nila ang mga tao na pumunta sa kanilang bundok para maghandog ng tamang handog sa Dios.Magdiriwang sila dahil maraming pagpapala na nakuha nila sa dagat at sa baybayin nito.”
20 Sinabi ni Moises tungkol sa lahi ni Gad,“Purihin ang Dios na nagpapalawak ng teritoryo ng lahi ni Gad!Nabubuhay sila sa lupaing ito katulad ng leon na handang sumunggab ng kamay o ng ulo ng kanyang kaaway.
21 Pinili niya ang pinakamagandang lupain na nababagay sa mga pinuno.Kapag nagtitipon ang mga tagapamahala ng mga mamamayan ng Israel, sinusunod nila ang mga ipinatutupad ng Panginoon at ang kanyang mga tuntunin para sa Israel.”
22 Sinabi ni Moises tungkol sa lahi ni Dan,“Ang lahi ni Dan ay katulad sa mga batang leon na tumatalon-talon mula sa Bashan.”
23 Sinabi ni Moises tungkol sa lahi ni Naftali,“Ang lahi ni Naftali ay sagana sa pagpapala ng Panginoon. Maangkin sana nila ang lupain sa kanluran at sa timog.”
24 Sinabi ni Moises tungkol sa lahi ni Asher,“Pagpalain sana ng Panginoon ang lahi ni Asher ng higit pa sa lahat ng lahi ng Israel.Sana ay maging masaya sa kanila ang kapwa nila mga Israelita at maging sagana ang kanilang langis.
25 At sanaʼy maprotektahan ng mga tarangkahang bakal at tanso ang mga pintuan ng kanilang lungsod,at sanaʼy manatili ang kanilang kadakilaan habang silaʼy nabubuhay.
26 Walang katulad ang Dios ng Israel.Sa kanyang kadakilaan, sumasakay siya sa ulap para matulungan kayo. Sa kanyang kadakilaan dumarating siya mula sa kalangitan.
27 Ang walang hanggang Dios ang inyong kanlungan;palalakasin niya kayo sa pamamagitan ng walang hanggan niyang kapangyarihan.Palalayasin niya ang inyong mga kaaway sa inyong harapan,at iuutos niya sa inyo ang pagpapabagsak sa kanila.
28 Kaya mamumuhay ang Israel na malayo sa kapahamakan, sa lupaing sagana sa trigo at bagong katas ng ubas,at kung saan ang hamog na mula sa langit ay nagbibigay ng tubig sa lupa.
29 Pinagpala kayo, mga mamamayan ng Israel!Wala kayong katulad – isang bansa na iniligtas ng Panginoon.Ang Panginoon ang mag-iingat at tutulong sa inyo,at siya ang makikipaglaban para sa inyo.Gagapang ang inyong mga kaaway papunta sa inyo, at tatapakan ninyo sila sa likod.”