1 “Ito ang mga utos at tuntunin na dapat nʼyong sundin nang mabuti habang nabubuhay kayo rito sa lupaing ibinibigay sa inyo ng Panginoon, ang Dios ng inyong mga ninuno.
2 Kapag pinalayas na ninyo ang mga taong naninirahan doon, gibain ninyo ang lahat ng lugar na pinagsasambahan nila sa kanilang mga dios-diosan: sa matataas na mga bundok, sa mga kaburulan at sa ilalim ng bawat malalagong punongkahoy.
3 Gibain din ninyo ang kanilang mga altar, durugin ang mga alaalang bato nila, sunugin ang kanilang mga posteng simbolo ng diyosang si Ashera, at durugin ang imahen ng kanilang mga dios para hindi na ito alalahanin pa sa mga lugar na iyon.
4 “Huwag ninyong sasambahin ang Panginoon na inyong Dios na gaya ng paraan ng kanilang pagsamba,
5 kundi dumulog kayo sa Panginoon na inyong Dios at parangalan siya sa lugar na kanyang pipiliin mula sa lahat ng teritoryo ng mga lahi ng Israel.
6 Doon ninyo dalhin ang mga handog ninyo na sinusunog at iba pang mga handog, ang inyong mga ikapu, ang inyong mga espesyal na handog, ang inyong mga ipinangakong regalo at mga handog na kusang-loob, gayon din ang panganay ng inyong mga hayop.
7 Doon kayo kumain at ang inyong pamilya sa presensya ng Panginoon na inyong Dios, at magsaya kayo sa lahat ng inyong nagawa dahil pinagpala kayo ng Panginoon.
8-9 “Kapag dumating na kayo sa lugar na kung saan makapagpapahinga na kayo, ang lugar na ibinibigay ng Panginoon na inyong Dios bilang inyong mana, huwag na ninyong gawin ang ginagawa natin ngayon, na kahit saan lang tayo naghahandog.
10 Kapag nakatawid na kayo sa Jordan at nanirahan sa lugar na ibinibigay ng Panginoon na inyong Dios bilang inyong mana, mabubuhay kayo nang mapayapa dahil hindi papayag ang Panginoon na gambalain kayo ng mga kaaway sa inyong paligid.
11 Pagkatapos, dalhin ninyo ang mga handog doon sa lugar na pipiliin ng Panginoon na inyong Dios, kung saan pararangalan siya. Ito ang mga handog na iniutos ko sa inyo: mga handog na sinusunog at ang iba pang mga handog, ang inyong ikapu, ang mga espesyal na regalo at ang lahat ng handog na ipinangako ninyo sa Panginoon.
12 Doon kayo magsasaya sa presensya ng Panginoon na inyong Dios, pati ang inyong mga anak, mga alipin at ang mga Levita na naninirahan sa mga bayan ninyo na walang lupang mamanahin.
13 Huwag ninyong ihandog ang inyong mga handog na sinusunog sa kahit saang lugar lang na gustuhin ninyo,
14 kundi, ihandog ninyo ito sa lugar ng lahi na pipiliin ng Panginoon, at doon ninyo gawin ang lahat ng iniutos ko sa inyo.
15 “Pero kung hindi panghandog, maaari ninyong katayin at kainin ang hayop saanman kayo nakatira. Magpakasawa kayong kumain ng karne nito, kagaya ng pagkain ninyo ng usa at ng gasela ayon sa pagpapalang ibinibigay sa inyo ng Panginoon na inyong Dios. Ang bawat tao ay makakakain nito, itinuturing man siyang malinis o marumi.
16 Pero huwag ninyong kakainin ang dugo; ibuhos ninyo ito sa lupa kagaya ng tubig.
17 Huwag din ninyong kainin o inumin ang mga sumusunod: ang ikapu ng inyong mga trigo, bagong katas ng ubas at langis, ang panganay na anak ng inyong mga hayop, ang anumang ipinangako ninyong handog at espesyal na mga regalo, at handog na kusang-loob.
18 Kundi kainin lang ninyo ito sa presensya ng Panginoon na inyong Dios doon sa lugar na pipiliin niya kasama ng inyong mga anak, mga alipin at ng mga Levita na naninirahan sa inyong mga bayan. Magsasaya kayo sa presensya ng Panginoon na inyong Dios sa lahat ng kanyang ginawa.
19 Huwag ninyong pababayaan ang mga Levita habang nabubuhay kayo sa inyong lupain.
20 “Kapag napalawak na ng Panginoon na inyong Dios ang teritoryo ninyo ayon sa ipinangako niya sa inyo, at gusto ninyong kumain ng karne, maaari kayong kumain anumang oras na gustuhin ninyo.
21 Kung malayo sa inyo ang lugar na pinili ng Panginoon na kung saan ninyo siya pararangalan, maaari kayong magkatay ng inyong mga baka o tupa sa inyong lugar. At ayon sa iniutos ko sa inyo, maaari kayong magpakasawa sa pagkain ng mga hayop na ibinigay ng Panginoon sa inyo,
22 katulad ng pagkain ninyo ng gasela at ng usa. Ang bawat tao ay makakakain nito, itinuturing man siyang malinis o marumi.
23 Pero siguraduhin ninyong hindi ninyo kakainin ang dugo, dahil ang buhay ay nasa dugo, at huwag ninyong kakainin ang buhay kasama ng karne.
24 Sa halip, ibuhos ninyo ang dugo sa lupa gaya ng tubig.
25 Huwag ninyo itong kakainin para maging mabuti ang kalagayan ninyo at ng inyong mga lahi, dahil ang pag-iwas sa pagkain ng dugo ay mabuti sa paningin ng Panginoon.
26 “Dalhin ninyo sa lugar na pinili ng Panginoon ang mga bagay na ibibigay ninyo sa Panginoon at ang mga handog na ipinangako ninyo sa kanya.
27 Ihandog ninyo ang dugo at karne ng inyong mga handog sa altar ng Panginoon na inyong Dios. Dapat ninyong ibuhos ang dugo sa gilid ng altar ng Panginoon na inyong Dios, pero pwede ninyong kainin ang karne.
28 Sundin ninyo ang lahat ng tuntuning ito na ibinibigay ko sa inyo, para laging maging mabuti ang kalagayan ninyo at ng lahi ninyo, dahil mabuti at tama ang pagsunod sa mga ito sa paningin ng Panginoon na inyong Dios.
29 “Kapag winasak na ng Panginoon na inyong Dios ang mga bansa na sasalakayin ninyo, at pinalayas ninyo ang mga naninirahan dito at inagaw ang kanilang lugar,
30 huwag kayong magpapabitag sa pamamagitan ng pagsunod sa pagsamba nila sa kanilang mga dios. Huwag ninyong sasabihin, ‘Paano sila sumasamba sa kanilang mga dios? Susundin din namin ang ginagawa nila.’
31 Huwag ninyo itong gagawin para sambahin ang Panginoon na inyong Dios, dahil sa kanilang pagsamba, ginagawa nila ang lahat ng klase ng kasuklam-suklam na bagay na kinasusuklaman ng Panginoon. Sinusunog pa nila ang mga anak nila bilang handog sa kanilang mga dios.
32 “Sundin ninyo ang lahat ng iniutos ko sa inyo. Huwag ninyo itong dadagdagan o babawasan.