1 Mula sa kapatagan ng Moab, umakyat si Moises sa Bundok ng Nebo sa tuktok ng Pisga na nakaharap sa Jerico. Doon ipinakita ng Panginoon ang buong lupain – mula sa Gilead hanggang sa Dan,
2 ang buong lupain ng Naftali, ang lupain ng Efraim at ng Manase, ang buong lupain ng Juda hanggang sa Dagat ng Mediteraneo,
3 ang Negev, at ang buong lupain mula sa Lambak ng Jerico (ang lungsod ng mga palma) hanggang sa Zoar.
4 Pagkatapos, sinabi ng Panginoon kay Moises, “Iyan ang lupaing ipinangako ko kina Abraham, Isaac at Jacob, at sinabi kong ibibigay ko ito sa kanilang salinlahi. Ipinakita ko ito sa iyo, pero hindi ka makakapunta roon.”
5 Kaya namatay si Moises na lingkod ng Panginoon, ayon sa sinabi ng Panginoon.
6 Inilibing siya sa Moab, sa lambak na nakaharap sa Bet Peor, pero hanggang ngayon ay walang nakakaalam kung saan talaga siya inilibing.
7 Si Moises ay 120 taong gulang nang mamatay, pero malakas pa rin siya, at malinaw pa ang paningin.
8 Nagluksa ang mga Israelita kay Moises doon sa kapatagan ng Moab sa loob ng 30 araw.
9 Ngayon, si Josue na anak ni Nun ay binigyan ng Espiritu ng karunungan dahil pinili siya ni Moises na pumalit sa kanya sa pamamagitan ng pagpapatong ng kamay nito sa kanya. Kaya sinunod siya ng mga Israelita, at ginawa nila ang lahat ng iniutos ng Panginoon kay Moises.
10 Mula noon, wala nang propeta pa sa Israel na katulad ni Moises, na nakakausap ng Panginoon nang harapan.
11 Isinugo ng Panginoon si Moises para gumawa ng mga himala at mga kamangha-manghang bagay sa Egipto laban sa Faraon, sa kanyang mga opisyal at sa buong bansa.
12 Wala nang nakagawa pa ng mga makapangyarihan at kamangha-manghang bagay na katulad ng ginawa ni Moises sa harap ng lahat ng Israelita.