1 “Sa katapusan ng bawat ikapitong taon, dapat ninyong kanselahin na ang lahat ng utang.
2 Ito ang gawin ninyo: Hindi na dapat singilin ng nagpautang ang utang ng kapwa niya Israelita. Hindi na niya ito sisingilin dahil umabot na ang panahon na itinakda ng Panginoon na kanselahin ang mga utang.
3 Pwede ninyong singilin ang mga dayuhan pero kanselahin dapat ninyo ang utang ng kapwa ninyo Israelita.
4 “Kailangang walang maging mahirap sa inyo sa lupaing ibinibigay sa inyo ng Panginoon na inyong Dios na inyong aangkinin, dahil tiyak na pagpapalain niya kayo,
5 basta sundin ninyong mabuti ang Panginoon na inyong Dios at tuparin ang lahat ng utos na ibinibigay ko sa inyo ngayon.
6 Pagpapalain kayo ng Panginoon na inyong Dios ayon sa ipinangako niya sa inyo. Maraming bansa ang mangungutang sa inyo, pero kayo ay hindi mangungutang. Pamamahalaan ninyo ang maraming bansa pero hindi kayo mapamamahalaan.
7 “Kung may mahirap sa bayan ninyo, sa lupaing ibinibigay sa inyo ng Panginoon na inyong Dios, huwag kayong maging maramot sa kanya.
8 Kundi maging mapagbigay kayo at pautangin ninyo siya ng kanyang mga pangangailangan.
9 Huwag kayong mag-iisip ng masama, na dahil sa malapit na ang ikapitong taon, ang taon ng pagkakansela ng mga utang, hindi na lang kayo magpapautang sa mga kababayan ninyong mahihirap. Kapag dumaing sa akin ang mga mahihirap na ito dahil sa inyong ginawa, may pananagutan kayo.
10 Magbigay kayo sa kanila nang bukal sa loob. Kung gagawin ninyo ito, pagpapalain kayo ng Panginoon na inyong Dios sa lahat ng inyong ginagawa.
11 Hindi maiiwasan na may mahihirap sa inyong bayan, kaya inuutusan ko kayong maging lubos na mapagbigay sa kanila.
12 “Kung ang kapwa mo Hebreo, lalaki man o babae ay ipinagbili ang sarili niya sa iyo bilang alipin, at naglingkod siya sa iyo sa loob ng anim na taon, kailangang palayain mo siya sa ikapitong taon.
13 At kapag palalayain mo na siya, huwag mo siyang paaalisin na walang dala.
14 Bigyan mo siya nang saganang hayop, trigo at katas ng ubas ayon sa pagpapala ng Dios sa iyo.
15 Alalahanin ninyo na mga alipin din kayo noon sa Egipto at pinalaya rin kayo ng Panginoon na inyong Dios. Iyan ang dahilan kaya ibinibigay ko ang mga utos na ito sa inyo ngayon.
16 “Pero kung sabihin ng alipin mo sa iyo, ‘Hindi po ako aalis sa inyo dahil mahal ko kayo at ang pamilya ninyo, at mabuti ang kalagayan ko dito sa inyo,’
17 dalhin mo siya sa pintuan ng bahay mo, butasan ang tainga niya at magiging alipin mo siya sa buong buhay niya. Ganito rin ang gawin mo sa iyong aliping babae.
18 “Huwag sasama ang loob mo kung palalayain mo ang alipin mo dahil ang halaga ng pagseserbisyo niya sa iyo sa loob ng anim na taon ay doble pa sa sweldo na tinatanggap ng isang trabahador. Kung gagawin mo ito, pagpapalain ng Panginoon na inyong Dios ang lahat ng ginagawa mo.
19 “Ibukod ninyo para sa Panginoon na inyong Dios ang lahat ng panganay na lalaki ng inyong mga hayop. Huwag ninyong pag-aararuhin ang mga panganay ng inyong mga baka o pagugupitan ang mga panganay ng inyong mga tupa.
20 Sa halip, kainin ninyo ito at ng inyong pamilya sa presensya ng Panginoon na inyong Dios bawat taon, sa lugar na pipiliin niya.
21 Pero kung may kapintasan ang hayop na ito, halimbawaʼy pilay o bulag o anumang malalang kapansanan, hindi ninyo ito dapat ihandog sa Panginoon na inyong Dios.
22 Sa halip, kainin ninyo ito sa inyong mga bayan. Ang lahat ay makakakain nito, itinuturing man siyang malinis o marumi, katulad ng pagkain ninyo ng usa at ng gasela.
23 Pero huwag ninyong kainin ang dugo, kundi ibuhos ninyo ito sa lupa gaya ng tubig.