1 “Mga anak kayo ng Panginoon na inyong Dios. Kaya kung magluluksa kayo sa patay, huwag ninyong susugatan ang mga sarili ninyo o aahitan ang mga ulo ninyo.
2 Sapagkat mga mamamayan nga kayo ng Panginoon na inyong Dios. Sa lahat ng tao sa mundo, kayo ang kanyang pinili na maging espesyal niyang mga mamamayan.
3 “Huwag kayong kakain ng anumang hayop na itinuturing na marumi.
4 Ito ang mga hayop na pwede ninyong kainin: baka, tupa, kambing,
5 usa, mailap na kambing, mailap na tupa at iba pang klase ng usa.
6 Pwede ninyong kainin ang anumang hayop na biyak ang kuko at ngumunguya ng kanilang kinain.
7 Ngunit huwag ninyong kakainin ang mga hayop na nginunguyang muli ang kinain nito pero hindi biyak ang kuko, gaya ng kamelyo, kuneho at daga sa batuhan. Ituring ninyong marumi ang mga hayop na ito.
8 Huwag din ninyong kakainin ang baboy, dahil kahit biyak ang kuko nito, hindi naman nginunguya ang kinakain nito. Huwag ninyong kakainin ang mga hayop na ito o hahawakan ang kanilang patay na katawan.
9 “Pwede ninyong kainin ang anumang hayop na nabubuhay sa tubig na may mga palikpik at mga kaliskis.
10 Pero huwag ninyong kainin ang walang palikpik at kaliskis. Ituring ninyo itong marumi.
11 Pwede ninyong kainin ang anumang klase ng ibon na itinuturing na malinis.
12-18 Pero huwag ninyong kakainin ang mga ibon katulad ng agila, uwak, ibon na kumakain ng bangkay ng tao o hayop, lawin, kuwago, ibong naninila, ibong dumadagit ng isda, tagak, at paniki.
19 Huwag din ninyong kakainin ang mga insektong may pakpak na gumagapang.
20 Pero pwede ninyong kainin ang mga insektong itinuturing na malinis.
21 “Huwag ninyong kakainin ang anumang hayop na patay na. Maaari ninyo itong ipagbili sa mga dayuhan o ibigay sa mga dayuhang naninirahang sa bayan nʼyo, at kakainin nila ito. Pero huwag kayong kakain nito, dahil ibinukod kayo bilang mamamayan ng Panginoon na inyong Dios.“Huwag ninyong lulutuin ang batang kambing sa gatas ng kanyang ina.
22 “Dapat ninyong ibukod ang ikasampung bahagi ng lahat ng ani ng inyong bukid bawat taon.
23 Dalhin ninyo ang ikasampung bahagi ng trigo, bagong katas ng ubas at langis, at ang panganay ng inyong mga hayop sa lugar na pipiliin ng Panginoon na inyong Dios, kung saan pararangalan siya. Doon ninyo ito dalhin sa kanyang presensya. Gawin ninyo ito para matuto kayo na laging gumalang sa Panginoon na inyong Dios.
24 Pero kung malayo sa inyo ang lugar na pinili ng Panginoon, at mahihirapan kayo sa pagdadala ng ikasampung bahagi ng mga pagpapala ng Panginoon na inyong Dios,
25 ipagpalit ninyo ang ikasampung bahagi ninyo sa pilak at dalhin ninyo ito roon sa lugar na pinili ng Panginoon na inyong Dios.
26 Pagkatapos, ang pilak na iyon ang ipambili ninyo ng baka, tupa, katas ng ubas o ng iba pang inumin, o ng anumang magustuhan ninyo. Pagkatapos, kainin ninyo ito ng inyong pamilya sa presensya ng Panginoon na inyong Dios at magsaya.
27 At huwag ninyong kalilimutan ang mga Levita na naninirahan sa bayan ninyo, dahil wala silang bahagi o lupang minana.
28 “Sa katapusan ng bawat tatlong taon, tipunin ninyo ang ikasampung bahagi ng ani ninyo sa taong iyon, at dalhin ninyo ito sa pinagtataguan nito sa mga bayan ninyo.
29 Ibigay ninyo ito sa mga Levita na walang lupang minana, sa mga dayuhan na naninirahang kasama ninyo, sa mga ulila at sa mga biyuda sa bayan ninyo para makakain din sila at mabusog. Kung gagawin ninyo ito, pagpapalain kayo ng Panginoon na inyong Dios sa lahat ng ginagawa ninyo.