1 Pagkatapos, sinabi ni Moises sa mga Israelita, “Pakinggan ninyo ang mga utos at tuntunin na ituturo ko sa inyo. Sundin ninyo ito para mabuhay kayo at makapanirahan sa lupaing ibinibigay sa inyo ng Panginoon, ang Dios ng inyong mga ninuno.
2 Huwag ninyong dadagdagan o babawasan ang mga utos na ibinigay ko sa inyo, mula sa Panginoon na inyong Dios. Dapat ninyo itong sundin.
3 Nakita ninyo ang ginawa ng Panginoon sa Baal Peor. Pinatay ng Panginoon na inyong Dios ang mga kapwa ninyo Israelita na sumamba kay Baal.
4 Pero kayo na matapat sa Panginoon na inyong Dios ay buhay pa hanggang ngayon.
5 “Itinuturo ko sa inyo ang mga utos at mga tuntunin na ibinigay sa akin ng Panginoon na aking Dios para inyong sundin pagdating ninyo sa lupaing pupuntahan ninyo at titirhan.
6 Sundin ninyo ito nang buong tapat, dahil sa pamamagitan nitoʼy maipapakita ninyo ang inyong kaalaman at pang-unawa sa ibang mga bansa. Kung maririnig nilang lahat ang tuntuning ito, sasabihin nila, ‘Totoo nga na marunong at may pang-unawa ang mga tao ng makapangyarihang bansang ito.’
7 Wala nang iba pang makapangyarihang bansa na may dios na malapit sa kanila gaya ng Panginoon na ating Dios na malapit sa atin sa mga panahong tumatawag tayo sa kanya.
8 At wala nang iba pang makapangyarihang bansa na may mga utos at tuntunin na katulad ng itinuro ko sa inyo ngayon.
9 Pero mag-ingat kayo! Huwag ninyong kalilimutan ang mga bagay na inyong nakita na ginawa ng Panginoon. Kailangang manatili ito sa inyong mga puso habang nabubuhay kayo. Sabihin ninyo ito sa inyong mga anak at mga apo.
10 Alalahanin ninyo ang araw na tumayo kayo sa harap ng Panginoon na inyong Dios sa Bundok ng Sinai, kung saan sinabi niya sa akin, ‘Tipunin mo ang mga mamamayan sa aking presensya para makinig sa aking mga salita upang matuto silang gumalang sa akin habang nabubuhay pa sila, at para maituro nila ito sa kanilang mga anak.’
11 Pagkatapos, lumapit kayo sa akin at tumayo sa ibaba ng bundok habang naglalagablab ito na abot hanggang langit, na binalutan ng kadiliman dahil sa maitim na ulap.
12 Pagkatapos, nagsalita ang Panginoon mula sa gitna ng apoy. Narinig ninyo ang kanyang boses, pero wala kayong nakita.
13 Sinabi niya sa inyo ang mga bagay na gagawin ninyo sa pagtupad ng mga kasunduan niya sa inyo. Ito ay ang Sampung Utos na iniutos niyang sundin ninyo. At isinulat niya ito sa dalawang malalapad na bato.
14 Nang panahong iyon, inutusan ako ng Panginoon na ituro sa inyo ang mga utos at mga tuntunin na susundin ninyo roon sa lupain na inyong aangkinin at titirhan.
15 “Nang nakipag-usap ang Panginoon sa inyo sa Bundok ng Sinai mula sa gitna ng apoy, wala kayong nakitang anyo ng Panginoon. Kaya bantayan ninyo ang inyong mga sarili
16 na hindi ninyo dudungisan ang inyong mga sarili sa pamamagitan ng paggawa ng anumang anyo o imahen ng dios-diosan – lalaki man o babae,
17 hayop na lumalakad o lumilipad,
18 gumagapang o nakatira sa tubig.
19 Huwag kayong maakit sa pagsamba sa mga bagay na nasa langit – sa araw, buwan at mga bituin. Ang mga ito ay inilagay ng Panginoon na inyong Dios para sa lahat ng mamamayan sa buong mundo.
20 Alalahanin ninyo na kinuha kayo ng Panginoon sa Egipto, ang lugar na katulad ng pugon na naglalagablab, para maging mamamayan niya, at ganyan kayo ngayon.
21 “Nagalit ang Panginoon sa akin dahil sa inyo, at isinumpa niya na hindi ako makakatawid sa Jordan at makakapasok sa magandang lupain na ibinigay ng Panginoon na inyong Dios bilang inyong mana.
22 Mamamatay ako sa lupaing ito na hindi makakatawid sa Jordan, pero matatawid ninyo at masasakop ang masaganang lupaing iyon.
23 Ngunit mag-ingat kayo na hindi ninyo makalimutan ang kasunduang ginawa sa inyo ng Panginoon na inyong Dios. Huwag kayong gagawa ng mga dios-diosan sa anyo ng anumang bagay, dahil ipinagbabawal ito ng Panginoon na inyong Dios,
24 at ayaw na ayaw niyang may sinasamba kayong ibang dios. Parang apoy na nakakatupok kapag nagparusa ang Panginoon na inyong Dios.
25 “Sa bandang huli, kung magkakaanak kayo at magkakaapo, at naninirahan na sa lupaing iyon nang matagal na panahon, huwag ninyong dudumihan ang inyong sarili sa pamamagitan ng paggawa ng mga dios-diosan ng anumang anyo. Masama ito sa paningin ng Panginoon na inyong Dios at makakapagpagalit ito sa kanya.
26 “Sa araw na ito, itinuturing kong saksi ang langit at lupa laban sa inyo. Kung hindi ninyo ako susundin, hindi kayo magtatagal sa lupain na inyong mamanahin sa kabila ng Jordan. Maninirahan kayo roon sa sandaling panahon lang, at pagkatapos ay malilipol kayo ng lubusan.
27 Pangangalatin kayo ng Panginoon sa ibang mga bansa, at kaunti lang ang matitira sa inyo roon sa mga bansa kung saan kayo itataboy ng Panginoon.
28 At doon na kayo sasamba sa mga dios na gawa sa kahoy at bato, na hindi nakakakita, nakakarinig, nakakakain o nakakaamoy.
29 Ngunit kung hahanapin ninyo ang Panginoon na inyong Dios, makikita ninyo siya, kung hahanapin ninyo siya nang buong puso.
30 Kapag dumating ang kahirapan sa inyo, sa bandang huliʼy manunumbalik kayo sa Panginoon na inyong Dios at susundin ninyo siya.
31 Sapagkat maawain ang Panginoon na inyong Dios, hindi niya kayo pababayaan o lilipulin. Hindi niya kalilimutan ang kasunduang kanyang ipinangako sa inyong mga ninuno.
32 “Alalahanin ninyo ang mga nangyari mula nang araw na nilikha ng Dios ang tao sa mundo hanggang ngayon. Libutin ninyo ang buong mundo kung may makikita kayong kamangha-manghang bagay na nangyari katulad ng mga ito.
33 Mayroon pa bang ibang tao na nabuhay pagkatapos nilang marinig ang boses ng Dios mula sa apoy, kagaya ninyo?
34 Mayroon pa bang ibang Dios na nangahas na kunin ang isang grupo ng mga mamamayan mula sa isang bansa para maging kanya sa pamamagitan ng mga pagsubok, himala, mga kamangha-manghang bagay, digmaan o mga makapangyarihang gawa? Pero iyan ang ginawa ng Panginoon na inyong Dios doon sa Egipto, at kayo mismo ang nakakita nito.
35 Ipinakita sa inyo ang mga bagay na ito para malaman ninyo na ang Panginoon ang Dios, at wala nang iba pa.
36 Ipinarinig niya sa inyo ang kanyang boses mula sa langit sa pagdisiplina sa inyo. Ipinakita niya sa inyo ang kanyang makapangyarihang apoy dito sa lupa para makipag-usap sa inyo mula sa apoy na ito.
37 At dahil sa minahal niya ang inyong mga ninuno, pinili niya kayo at inilabas sa Egipto sa pamamagitan ng kanyang presensya at kapangyarihan.
38 Itinaboy niya ang mga bansang mas makapangyarihan pa sa inyo para madala kayo sa kanilang lupain, ibinigay niya ito sa inyo bilang inyong mana, katulad ng ginawa niya ngayon.
39 “Kaya kilalanin ninyo ang araw na ito at itanim sa inyong mga puso na ang Panginoon ay Dios sa langit at sa lupa, at wala nang iba pang dios.
40 Sundin ninyo ang kanyang mga utos at tuntunin na ibinigay ko sa inyo ngayon para walang masamang mangyari sa inyo at sa inyong salinlahi, upang mabuhay kayo nang matagal sa lupaing ibinibigay ng Panginoon na inyong Dios magpakailanman.”
41 Pagkatapos, pumili si Moises ng tatlong lungsod sa silangan ng Jordan
42 para makatakas papunta roon ang taong nakapatay ng kanyang kapwa nang hindi sinasadya at hindi plinano. Makakatakas siya papunta sa mga lungsod na ito para hindi siya mapahamak.
43 Ito ang mga lungsod: Bezer na nasa disyerto sa talampas na sakop ng lahi ni Reuben; Ramot sa Gilead para sa lahi ni Gad; at Golan para sa lahi ni Manase.
44 Ibinigay ni Moises sa mga Israelita ang mga kautusan,
45 katuruan at tuntunin na ito nang lumabas sila sa Egipto
46 at habang nagkakampo sila sa lambak malapit sa Bet Peor sa silangan ng Jordan. Sakop noon ni Sihon na hari ng mga Amoreo ang lupaing ito, noong naghahari siya sa Heshbon. Siya at ang mga tauhan niya ang tinalo ni Moises at ng mga Israelita nang lumabas sila sa Egipto.
47 Sinakop nila Moises ang lupain nito at ang lupain ni Haring Og ng Bashan. Sila ang dalawang Amoreo na mga hari sa silangan ng Jordan.
48 Ang kanilang mga lupain na nasakop ng mga Israelita ay mula sa Aroer na nasa itaas na bahagi ng Lambak ng Arnon, papunta sa Bundok ng Sirion na tinatawag ding Hermon,
49 at ang lahat ng lupain sa Lambak ng Jordan sa silangan ng Ilog ng Jordan hanggang sa Dagat na Patay, sa ibabang bahagi ng libis ng Pisga.