1 “Sundin ninyong mabuti ang lahat ng utos na ibinibigay ko sa inyo sa araw na ito, para mabuhay kayo nang matagal at dumami, at makapanirahan sa lupaing ipinangako ng Panginoon sa inyong mga ninuno.
2 Alalahanin ninyo kung paano kayo ginabayan ng Panginoon na inyong Dios sa paglalakbay ninyo sa disyerto sa loob ng 40 taon. Ginawa niya ito upang turuan kayong magpakumbaba, at sinubok niya kayo upang malaman kung ano talaga ang nilalaman ng inyong puso, kung susundin ninyo ang kanyang mga utos o hindi.
3 Ibinaba niya kayo sa pamamagitan ng paggutom sa inyo at pagkatapos, binigyan niya kayo ng ‘manna’ – isang klase ng pagkain na hindi pa ninyo natitikman maging ng inyong mga ninuno mula pa noong una. Ginawa ito ng Panginoon para ituro sa inyo na hindi lang sa tinapay nabubuhay ang tao kundi sa bawat salita ng Panginoon.
4 Sa loob ng 40 taon, hindi naluma ang mga damit ninyo at hindi namaga ang mga paa ninyo sa paglalakbay.
5 Dapat ninyong maisip na gaya ng pagdidisiplina ng ama sa kanyang anak, ang Panginoon na inyong Dios ay dumidisiplina rin sa inyo.
6 “Kaya sundin ninyo ang mga utos ng Panginoon na inyong Dios. Mamuhay kayo ayon sa kanyang pamamaraan at igalang ninyo siya.
7 Sapagkat dadalhin kayo ng Panginoon na inyong Dios sa magandang lupain, na may mga sapa at mga bukal na umaagos sa mga lambak at mga kaburulan.
8 Ang lupaing ito ay may mga trigo, sebada, ubas, igos, pomegranata, olibo at pulot.
9 Hindi kayo mawawalan ng pagkain sa lupaing ito at hindi kayo kukulangin ng anuman. Makakakuha kayo ng bakal sa mga bato nito, at makakahukay kayo ng tanso sa mga kabundukan.
10 Kapag nakakain na kayo at nangabusog, purihin ninyo ang Panginoon na inyong Dios dahil sa magandang lupaing ibinigay niya sa inyo.
11 “Ingatan ninyong huwag makalimutan ang Panginoon na inyong Dios at huwag ninyong susuwayin ang kanyang mga utos at mga tuntunin na ibinigay ko sa inyo sa araw na ito.
12 Kapag nakakain na kayo at nangabusog, at kapag nakapagpatayo na kayo ng maaayos na matitirhan,
13 at dumami na ang inyong mga hayop, pilak, ginto at mga ari-arian,
14 siguraduhin ninyong hindi kayo magyayabang at lilimot sa Panginoon na inyong Dios na naglabas sa inyo sa Egipto kung saan kayo inalipin.
15 Ginabayan niya kayo sa malawak at nakakatakot na disyerto na may mga makamandag na ahas at mga alakdan. Walang tubig sa lugar na iyon pero binibigyan niya kayo ng tubig mula sa bato.
16 Doon sa disyerto, binibigyan niya kayo ng ‘manna’ – isang pagkain na hindi natitikman ng inyong mga ninuno. Ginawa ito ng Panginoon para magpakumbaba kayo at para subukin kayo upang sa bandang huliʼy maging mabuti ang inyong kalagayan.
17 Baka sabihin ninyo sa inyong mga sarili, ‘Sa pamamagitan ng sarili kong kakayahan at lakas, naging akin ang lahat ng kayamanang ito.’
18 Pero alalahanin ninyo na ang Panginoon na inyong Dios ang siyang nagbigay sa inyo ng kakayahang maging mayaman, at ginawa niya ito para matupad niya ang kasunduan niya sa inyong mga ninuno, katulad ng ginawa niya ngayon.
19 “Ngunit binabalaan ko kayo ngayon, na kung kakalimutan ninyo ang Panginoon na inyong Dios at susunod kayo sa ibang mga dios, at sasamba kayo at maglilingkod sa kanila, siguradong malilipol kayo.
20 Kagaya ng pagwasak ng Panginoon sa mga bansa sa inyong harapan, lilipulin din niya kayo kung hindi kayo susunod sa Panginoon na inyong Dios.