1 Pagkatapos, inutusan nila Moises at ng mga tagapamahala ng Israel ang mga mamamayan, “Sundin ninyong lahat ang mga utos na ibinibigay ko sa inyo sa araw na ito.
2 Kapag nakatawid na kayo sa Jordan, doon sa lupaing ibinibigay sa inyo ng Panginoon na inyong Dios, magtumpok kayo ng malalaking bato, at pahiran ninyo ang palibot nito ng apog.
3 Isulat ninyo sa mga batong ito ang lahat ng kautusan kapag nakapasok na kayo sa maganda at masaganang lupain na ibinibigay sa inyo ng Panginoon na inyong Dios, ang Dios ng inyong mga ninuno, ayon sa ipinangako niya sa inyo.
4 Kapag nakatawid na kayo sa Jordan, itayo ninyo ang mga batong ito sa Bundok ng Ebal, ayon sa iniutos ko sa inyo sa araw na ito, at pahiran ninyo ng apog ang palibot nito.
5 Pagkatapos, gumawa kayo roon ng batong altar para sa Panginoon na inyong Dios. Huwag kayong gagamit ng anumang kagamitang bakal sa pagtatabas nito.
6 Ang mga bato na gagawin ninyong altar ay dapat hindi pa natabasan. Pagkatapos, maghandog kayo sa altar na ito ng mga handog na sinusunog para sa Panginoon na inyong Dios.
7 Maghandog din kayo ng handog para sa mabuting relasyon sa Panginoon at kainin ninyo ito roon, at magsaya kayo sa presensya ng Panginoon na inyong Dios.
8 At isulat ninyo nang malinaw ang mga kautusan ng Dios sa mga batong pinahiran ninyo ng apog.”
9 Sinabi pa ni Moises at ng mga pari na mga Levita sa lahat ng Israelita, “Makinig kayo, O mga mamamayan ng Israel! Sa araw na ito, naging mamamayan na kayo ng Panginoon na inyong Dios.
10 Kaya sundin ninyo ang Panginoon na inyong Dios at tuparin ang lahat ng utos at tuntunin niyang ibinibigay ko sa inyo ngayon.”
11 Nang araw na iyon, iniutos ni Moises sa mga tao,
12 “Kapag nakatawid na kayo sa Jordan, ito ang mga angkan na tatayo sa Bundok ng Gerizim para basbasan ang mga tao: ang lahi nina Simeon, Levi, Juda, Isacar, Jose at Benjamin.
13 At ito ang mga lahi na tatayo sa Bundok ng Ebal para sumpain ang mga tao: ang lahi nina Reuben, Gad, Asher, Zebulun, Dan at Naftali.
14 “Ang mga Levita naman ay sisigaw nang malakas:
15 “Sumpain ang taong gagawa ng anumang mga dios-diosan na gawa sa bato o tanso at sasambahin ito kahit palihim. Sapagkat kinasusuklaman ng Panginoon ang dios-diosang ginawa ng tao.” At sasagot ang lahat ng tao, “Amen!”
16 “Sumpain ang taong hindi gumagalang sa kanyang magulang.” At sasagot ang lahat ng tao, “Amen!”
17 “Sumpain ang taong nagnakaw ng lupain ng kanyang kapwa sa pamamagitan ng paglilipat ng muhon ng lupain nito.” At sasagot ang lahat ng tao, “Amen!”
18 “Sumpain ang taong nagliligaw ng bulag sa daan.” At sasagot ang lahat ng tao, “Amen!”
19 “Sumpain ang taong hindi nagbibigay ng hustisya sa mga dayuhan, sa mga ulila at sa mga biyuda.” At sasagot ang lahat ng tao, “Amen!”
20 “Sumpain ang taong nakikipagtalik sa asawa ng kanyang ama, dahil ipinapahiya niya ang kanyang ama.” At sasagot ang lahat ng tao, “Amen!”
21 “Sumpain ang taong nakikipagtalik sa anumang hayop.” At sasagot ang lahat ng tao, “Amen!”
22 “Sumpain ang taong nakikipagtalik sa kanyang kapatid na babae, kapatid man niya ito sa ama o sa ina.” At sasagot ang lahat ng tao, “Amen!”
23 “Sumpain ang taong nakikipagtalik sa kanyang biyenang babae.” At sasagot ang lahat ng tao, “Amen!”
24 “Sumpain ang taong pumatay ng kanyang kapwa kahit walang nakakaalam.” At sasagot ang lahat ng tao, “Amen!”
25 “Sumpain ang taong tumatanggap ng suhol para pumatay ng inosenteng tao.” At sasagot ang lahat ng tao, “Amen!”
26 “Sumpain ang tao na hindi susunod o gagawa sa lahat ng utos na ito.” At sasagot ang lahat ng tao, “Amen!”