1 “Kung nag-asawa ang isang lalaki, at sa bandang huli ay inayawan na niya ito dahil may natuklasan siyang hindi niya nagustuhan dito, dapat siyang gumawa ng kasulatan ng paghihiwalay at ibigay ito sa kanya, at maaari na niya itong paalisin sa kanyang bahay.
2 Kung mag-aasawa muli ang babae,
3 at hiwalayan na naman siya ng ikalawa niyang asawa o mamatay ito,
4 hindi na siya maaaring mapangasawang muli ng nauna niyang asawa dahil narumihan na siya. Kung muli siyang mapapangasawa ng nauna niyang asawa, kasuklam-suklam ito sa paningin ng Panginoon. Hindi ninyo dapat gawin ang mga kasalanang ito sa lupaing ibinibigay sa inyo ng Panginoon na inyong Dios bilang inyong mana.
5 “Kung bagong kasal ang isang lalaki, huwag ninyo siyang isasama sa labanan o bibigyan ng anumang responsibilidad sa bayan sa loob ng isang taon, para manatili muna siya sa kanyang bahay at mabigyan ng kasiyahan ang kanyang asawa.
6 “Huwag ninyong kukuning sanla ang gilingan ng umutang sa inyo dahil para na rin ninyong kinuha ang kanyang ikinabubuhay.
7 “Sinuman sa inyo ang kumidnap sa kapwa niya Israelita at ginawa itong alipin o ipinagbili, dapat patayin ang kumidnap. Sa pamamagitan nito, mawawala ang masasamang gawa sa inyong bansa.
8 “Tungkol sa malubhang sakit sa balat, sundin ninyong mabuti ang mga tuntunin na ipinapagawa sa inyo ng mga pari na mga Levita. Sundin ninyo ang mga iniutos ko sa kanila.
9 Alalahanin ninyo kung ano ang ginawa ng Panginoon na inyong Dios kay Miriam nang naglalakbay kayo paglabas sa Egipto.
10 “Kung magpapautang kayo ng kahit ano sa kapwa ninyo Israelita, huwag kayong papasok sa bahay niya para kumuha ng anumang isasanla niya.
11 Maghintay lang kayo sa labas at dadalhin niya ito sa inyo.
12-13 Kung mahirap ang tao, at pangbalabal ang isinanla niya sa inyo, huwag ninyong palilipasin ang gabi na nasa inyo ito. Isauli ito sa kanya habang hindi pa lumulubog ang araw para magamit niya ito sa kanyang pagtulog, at pasasalamatan ka pa niya. Ituturing ito ng Panginoon na inyong Dios na gawang matuwid.
14 “Huwag ninyong dadayain ang mahihirap na trabahador sa kanilang upa, Israelita man siya o dayuhan na naninirahan sa inyong bayan.
15 Bayaran ninyo siya ng isang araw na sweldo bago lumubog ang araw dahil mahirap siya at inaasahan niyang matanggap ito. Sapagkat kung hindi, baka dumaing siya sa Panginoon laban sa inyo at itoʼy ituturing na kasalanan ninyo.
16 “Hindi dapat patayin ang magulang dahil sa kasalanan ng kanilang mga anak, o ang mga anak dahil sa kasalanan ng kanilang magulang; ang bawat isa ay papatayin lang dahil sa kanyang sariling kasalanan.
17 “Bigyan ninyo ng hustisya ang mga dayuhan at ang mga ulila. Huwag ninyong kukunin ang balabal ng biyuda bilang sanla sa kanyang utang.
18 Alalahanin ninyong alipin kayo noon sa Egipto at iniligtas kayo ng Panginoon na inyong Dios. Ito ang dahilan kung bakit inuutusan ko kayong gawin ito.
19 “Kapag nag-aani kayo at may naiwang bigkis sa bukid, huwag na ninyo itong babalikan para kunin. Iwan na lang ninyo ito para sa mga dayuhan, sa mga ulila at sa mga biyuda, para pagpalain kayo ng Panginoon na inyong Dios sa lahat ng inyong ginagawa.
20 Kung mamimitas kayo ng olibo, huwag na ninyong babalikan ang mga naiwan. Itira na lang ninyo ito sa mga dayuhan, sa mga ulila at sa mga biyuda.
21 Kung aani kayo ng ubas, huwag na ninyong babalikan ang mga naiwan. Itira nʼyo na lang ito sa mga dayuhan, sa mga ulila at sa mga biyuda.
22 Alalahanin ninyo na mga alipin kayo noon sa Egipto. Ito ang dahilan kung bakit inuutusan ko kayong gawin ito.