1 “Kapag naroon na kayo sa lupaing ibinibigay sa inyo ng Panginoon na inyong Dios na aangkinin ninyo, at may nakita kayong bangkay ng tao at hindi ninyo alam kung sino ang pumatay dito,
2 dapat sukatin ng mga tagapamahala sa inyo kung aling bayan sa palibot ang pinakamalapit kung saan natagpuan ang bangkay.
3 Pagkatapos, kukuha ang mga tagapamahala ng bayang iyon ng dumalagang baka na hindi pa nakakapagtrabaho o nakakapag-araro.
4 Dadalhin nila ito sa lambak na palaging dinadaluyan ng tubig, na ang lupa doon ay hindi pa naaararo o natataniman. At doon nila babaliin ang leeg ng dumalagang baka.
5 Dapat ding pumunta roon ang mga pari na mula sa lahi ni Levi, dahil pinili sila ng Panginoon na inyong Dios na maglingkod at magbigay ng basbas sa pangalan ng Panginoon, at magdesisyon sa lahat ng kaso.
6 Pagkatapos, ang lahat ng tagapamahala ng bayan sa pinakamalapit na lugar kung saan nakita ang bangkay ay maghuhugas ng kamay sa ibabaw ng dumalagang baka na binali ang leeg sa lambak.
7 At sasabihin nila, ‘Hindi kami ang pumatay at hindi rin namin nakita kung sino ang pumatay.
8-9 O Panginoon, patawarin nʼyo po ang mga mamamayan ninyong Israelita na inyong iniligtas sa Egipto. Huwag ninyo kaming panagutin sa kamatayan ng inosenteng taong ito.’ Kung ganito ang gagawin ninyo hindi na kayo pananagutin ng Panginoon sa pagpatay, dahil makikita niya na matuwid kayo.
10 “Kung nakipaglaban kayo sa inyong mga kaaway at ibinigay sila sa inyo ng Panginoon na inyong Dios, at binihag ninyo sila,
11 at ang isa sa inyo ay nakakita ng magandang babae sa mga bihag at nagustuhan niya ito at gusto niya itong mapangasawa,
12 dadalhin niya ang babae sa kanyang bahay at kakalbuhin ang ulo niya, puputulin ang mga kuko,
13 at papalitan ang suot niyang damit nang binihag siya. Dapat magpaiwan ang babae sa bahay ninyo sa loob ng isang buwan habang nagluluksa siya para sa kanyang mga magulang. Pagkatapos nito, maaari na siyang maging asawa.
14 Pero kung sa bandang huli ay mawalan ang lalaki ng gana sa babae, dapat niya itong payagang pumunta saan man gustuhin ng babae. Hindi na siya dapat pang ipagbili o gawing alipin dahil siyaʼy ipinahiya niya.
15 “Kung may isang lalaki na dalawa ang asawa, at mahal niya ang isa pero hindi ang isa, at may mga anak siya sa dalawa. At kung ang panganay niyang lalaki ay anak ng asawa niyang hindi niya mahal,
16 kapag hahatiin na niya ang kanyang ari-arian, kailangang ang parte na para sa panganay na anak ay huwag ibigay sa anak ng asawa niyang minamahal. Dapat niya itong ibigay sa panganay kahit na hindi niya mahal ang ina nito.
17 Kailangan niyang kilalanin na panganay niyang anak ang anak ng asawa niyang hindi minamahal. Ibibigay niya sa kanya nang doble ang bahagi ng ari-arian niya dahil siya ang naunang anak at may karapatan siyang tumanggap ng kanyang bahagi bilang panganay na anak.
18 “Kung ang isang tao ay may anak na lalaki na matigas ang ulo at suwail na ayaw makinig sa kanyang mga magulang kapag siyaʼy dinidisiplina,
19 dadalhin siya ng kanyang mga magulang sa mga tagapamahala doon sa pintuan ng bayan.
20 Sasabihin nila sa mga tagapamahala, ‘Matigas ang ulo nitong anak namin at rebelde siya; hindi siya sumusunod sa amin. Gastador siya at lasenggo.’
21 Pagkatapos, dapat siyang batuhin ng lahat ng naninirahan sa bayan hanggang sa mamatay siya. Marinig ito ng lahat ng Israelita at matatakot sila. Sa pamamagitan nito, mawawala ang masasamang gawa sa inyong bansa.
22 “Kung ang isang tao ay pinarusahan ng kamatayan dahil sa isang krimen na ginawa niya, at ibinitin ang bangkay niya sa puno,
23 hindi dapat umabot hanggang umaga ang bangkay niya roon. Dapat ninyo itong ilibing sa araw ding iyon, dahil ang sinumang ibinitin sa puno ay isinumpa ng Dios. Kung hindi ninyo ito ililibing sa araw ding iyon, madudungisan nito ang lupaing ibinibigay sa inyo ng Panginoon na inyong Dios bilang mana ninyo.